Tiyang Amy, naalarma sa kanyang pekeng video!
May kumalat sa Facebook na sinasabing deepfake video ni Amy Perez kung saan nag-eendorso diumano ang TV host ng isang gamot para sa mga kababaihang dumaranas ng menopause.
Ayon kay Amy ay ginamit ang lumang materyal mula sa kanyang programa noon sa DZMM Teleradyo. Posibleng ginamitan ng AI o artificial intelligence ang naturang video. “Nag-appear siya sa feed ng isang kaibigan ko. Pinadala niya ‘yung link sa akin. Sabi niya, ‘Mars, ikaw ba ‘to?’ Pinakinggan ko, hay! Boses ko talaga, ang galing ‘di ba pero sobrang nakakatakot,” kwento ni Amy sa ABS-CBN News.
Dahil sa kanyang napanood na pinekeng video ay talagang naalarma raw ang TV host. “False lahat ‘yon, hindi ko ‘yon binanggit ever. Hindi ko tini-take ‘yung gamot na ‘yon ever. Ang nakakalungkot doon, ang daming babaeng nagko-comment, tinatanong nila magkano ‘yung produkto,” giit niya.
Mayroong mensahe si Amy para sa lahat ng aktibo sa social media na huwag basta maniniwala sa mga napapanood. Mahalaga rin para sa It’s Showtime host ang kalusugan ng bawat isa. “I-check po natin nang maigi muna bago po kayo bibili ng isang produkto. Para rin po ‘yun sa sarili ninyong safety,” pagtatapos ng TV host.
Katrina inoperahan, tinanggihan ang Britain’s Got Talent
Bukas na gaganapin sa Samsung Performing Arts Theater sa Makati ang Z-Con The Gen Z Icon Concert ni Katrina Velarde. Magiging espesyal na panauhin sina Khimo Gumatay, Sam Mangubat, Reiven Umali at JM Yosures sa naturang concert. Hindi raw masyadong makasasayaw bukas ang nakilalang Suklay Diva dahil sumailalim sa appendectomy noon lamang March 23. “Mayroon naman po na go signal from the doctor na in three weeks, I can sing. Huwag lang sasayaw masyado. The first thing na tinanong ko sa doctor after niyang sabihin na kailangang operahan, ang una kong tinanong ay, ‘Makakakanta po ba ako sa 13?’ Sabi naman ng doctor, ‘Three weeks, kaya naman ‘yon,’” pagbabahagi ni Katrina.
Sobrang sakit na umano ang nararamdaman ng singer ilang linggo na ang nakalilipas kaya nagpasya nang magpaopera. “Hindi po ako makalakad night before ako nagpa-ER (emergency room). Akala ko kabag lang. The next morning, same ang sakit pala,” dagdag ng Suklay Diva.
Samantala, kamakailan ay nakatanggap si Katrina ng imbitasyon upang makasali sa Britain’s Got Talent. Tinanggihan umano ito ng singer sa ilang kadahilanan. “I’m still getting inquiries to join some international competitions pero para po sa akin, tapos na ako sa contests. I’m still thinking about it po. Parang all my life kasi, ‘yung buong pinagdaanan ko mula pagkabata ko lahat contest na ako nang contest. And I really want to enjoy what I have at the moment, especially with ABS-CBN. It’s not as easy as it is po kasi. You will join, you have to be in that country. Hindi naman po siya pupunta ka ro’n tapos kakanta ka, tapos may process pa rin doon. Tapos malalayo ako sa anak ko, parang hindi na po doon ‘yung heart ko,” paliwanag ng singer. — Reports from JCC
- Latest