Puno ng pagmamahal at kumpiyansa sa sarili ang ipinakita ng Dental Diva na si Kakai Bautista sa kanyang bagong awitin na Karapat-Dapat na tungkol sa pagbibigay-halaga sa sarili sa gitna ng iba’t ibang negatibong salita na maaaring marinig.
“It will remind you that your past will only beautifully define you if you learn from it and you use your strength para ipaalala sa sarili mo na you are enough,” saad ni Kakai.
Isinulat ang kanta ni Trisha Denise at iprinodyus ng StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
Para kay Kakai, naging inspirasyon din niya ang bullying na naranasan niya at nais niyang makapaghatid ng lakas na muling bumangon mula sa pagsubok ng buhay sa pamamagitan ng bagong awitin.
“I was bullied during my childhood days at ang laking part nito sa buhay ko at sa growth ko as an artist kaya I want to impart ‘yung mga natutunan ko with this experience at ‘yung pwede nating makuhang lakas mula sa masasakit na bagay,” kwento ni Kakai.
Nagsimula si Kakai bilang theater actress at nakilala sa kanyang pagtatanghal sa play na Alikabok.
Naging bahagi rin siya ng iba’t ibang blockbuster films tulad ng Crazy Beautiful You, Suddenly It’s Magic, at Hello, Love, Goodbye at Kapamilya series tulad ng Kay Tagal Kitang Hinintay, Kokey, at Can’t Buy Me Love.
Bilang singer, inilunsad niya ang rendition ng Bakit Nga Ba Mahal Kita noong 2016 na umani ng mahigit limang milyong streams sa Spotify.
Nakapaglabas din si Kakai ng iba’t ibang awitin tulad ng Pag-ibig Ko’y Panalo, Huwag Ka Nang Bumalik, at Tingnan Mo Naman Ako.
Pakinggan ang bagong single ni Kakai na Karapat-Dapat na available na sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.