Naging kauna-unahang Arabic-dubbed Pinoy series ang hit action-drama series ng ABS-CBN na A Soldier’s Heart, na mapapanood na sa mga rising video-on-demand platform sa Middle East pagkatapos na pumirma ng kontrata sa Rabee Alhajabed Art Production & Distribution FZE.
Mapapanood na ang Philippine hit action-drama series na A Soldier’s Heart sa tatlong streaming platform na Maraya, Shofha, at Weyyak, na available sa Egypt, Saudi Arabia, United Arab Emirates, at iba pang Arab-speaking territories.
Sinusundan ng A Soldier’s Heart ang kuwento ni Alex (Gerald Anderson), isang IT expert na sumapi sa Army, at ang pagkru-krus ng kanyang landas sa isang pamilyang Muslim na maglalagay sa kanya sa pagkwestyon ng kanyang kinabukasan.
Binuksan ng serye ang kamalayan ng manonood sa mga hamon at sakripisyong kinakaharap ng mga militar habang tinutupad nila ang kanilang mga sinumpaan sa bansa.
Samantala, malapit na ring mapanood ang action-fantasy drama na Darna, na pinagbidahan ni Jane De Leon na magkakaroon rin ng sariling Arabic-dubbed version.
Kasunod ito ng matagumpay na pagbenta nila ng mga orihinal na istorya (format) ng Hanggang Saan, Mea Culpa, The Good Son at Forevermore sa parehong rehiyon.
Sa ngayon, nakapagbenta na ang ABS-CBN ng mahigit 50,000 hours ng content sa 50 na bansa sa Asya, Africa, Europa, at Latin America.