Vice may natanggap na magandang balita sa management
Paolo ayaw pang magkomento sa papalit sa Pinakamasaya
Nasa media conference naman kami ng Best Time Ever promo ng GMA 7 nang nagkakaroon ng bulung-bulungang ililipat na raw sa Kapuso network ang It’s Showtime.
Ito kaya ang tinutukoy ni Vice Ganda na magandang balitang ibinahagi raw sa kanya ng management?
Ilang executives ang napagtanungan namin doon wala silang maisagot sa amin dahil wala raw talaga silang alam.
Pinangunahan ni Dingdong Dantes ang mediacon para sa programa niyang Family Feud at Amazing Earth.
Nandun ang ilang cast ng Bubble Gang na sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Chariz Solomon, Kokoy de Santos, Buboy Villar, Matt Lozano, Cheska Fausto at Edgar Allan Guzman.
Karamihan sa kanila ay naging hosts ng Tahanang Pinakamasaya, kaya hiningan namin ng reaksyon sa balitang diumano’y paglipat ng It’s Showtime sa GMA 7.
Hindi sila in-allow na mag-comment.
Kinulit-kulit ko si Paolo pero wala rin daw siyang masabi dahil hindi pa raw kumpirmado.
“Pag confirmed na talaga. Wala pa muna akong masabi,” pakli niya.
Nilinaw lang niyang wala siyang tampo sa GMA 7 at nagpapasalamat siya sa suportang ibinigay sa kanya ng kanyang mother studio.
Mas gusto muna nilang mag-focus na sa mga magagandang aabangan sa comedy shows, talk shows, at iba pang programa.
Isa na rito ang pagsisimula ng Running Man 2 sa May.
Ang kaibahan daw nitong Season 12 nila ay kinunan pa rin sa South Korea pero nasa winter ito na sobrang lamig at ang iba sa mga runner ay first time pa lang daw nilang na-experience ang matinding snow.
Ani Kokoy de Santos; “Bukod sa pina-experience sa amin na talagang never namin na-imagine ‘yung winter sa Korea.”
Dagdag na kuwento ni Mikael Daez; “’Yung pinaka-malamig namin na araw sa Korea was -22 degrees. Sobrang lamig niya, pero matutuwa kayo kasi hirap na hirap kami. Part ‘yun ng challenge.”
Samantala, next week ay buong linggong isi-celebrate ng Family Feud ang kanilang second anniversary
TAPE nagbabayad ng mga empleyadong nawalan ng trabaho
Wala kaming nakukuhang sagot sa mga taga-TAPE, Inc. sa nasagap naming kuwentong may ibang network na raw na nag-aalok sa kanila na gawin ang Tahanang Pinakamasaya.
May dalawang network kaming narinig, pero huwag na lang daw munang banggitin.
Nakatsikahan namin ang legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham Garduque, safe ang mga sagot niya dahil hindi naman daw niya alam ang ibang tinatanong ko.
Ang gusto lang linawin ni Atty. Maggie ay ang programa lang na Tahanang Pinakamasaya ang nagsara, hindi ang production company na TAPE, Inc. “’Yung nawala po is the show, ‘yung Tahanang Pinakamasaya. Pero ‘yung TAPE, Inc. it’s a corporation, operational pa rin po siya. The company has not been dissolved.
“Gusto ko nga pabulaanan yung mga sinasabi na pati daw po ‘yung office sa TAPE, Inc. ay nagsara na. Hindi po totoo yun.
“In fact, we’re still conducting meetings doon. Dun pa rin yung employees, functional pa rin po ang TAPE, Inc. as a corporation,” saad ni Atty. Maggie.
Ayon pa sa abogado ng TAPE, abala sila sa mga empleyado na nawalan ng trabaho, lalo na ang nasa production.
‘Yung mga empleyado sa TAPE office nila sa Xavierville Avenue, Quezon City ay tuloy pa rin ang trabaho. Marami pa raw silang inaasikaso roon.
Iyung mga nasa production lang talaga na nasa APT Studio ang nawalan ng trabaho dahil wala na ang show.
“Magkaiba po kasi yung mga employees na nandun, yung production ng
Tahanang Pinakamasaya doon sa APT studio.
“So, ‘yung mga nandun na more than 200 employees, aayusin po ‘yung mga severance fees nila, ‘yung separation fees, and ‘yun ano sila…as of now, binibigyan pa rin po ng salaries ‘yung iba, para hindi naman medyo financially mahirapan ‘yung employees na nawalan ng trabaho due to that supervene event,” dagdag pa niyang paliwanag.
“TAPE, Inc. is still there. It’s still operational. Existing pa rin po siya. Their office is still at Xavierville at Quezon City. Hindi po yun nagsasara.
“In fact, I’m still attending meetings there. Just last week nandun po ako dahil nga po may mga inaayos po kami.
“Siguro kung merong offer sa kanila na magandang project na puwede nilang ma-venture, then TAPE, Inc. is still willing to venture into another project,” muli niyang paglilinaw sa amin.
Aminado si Atty. Maggie na malungkot ang pamilya Jalosjos, lalo na si Mr. Romy Jalosjos, pero ang sinasabi lang daw sa kanila, alam daw nilang meron talagang inilalaan ang Panginoon para sa kanila
- Latest