Selyado na ang tambalan ng Puregold Cineanalo Film Festival sa Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (MOWELFUND).
Layunin ng kolaborasyong ito na ibida ang industriya ng pelikula sa Pilipinas, partikular na ang mga bagong filmmaker, at ang mga kwentong itinatampok ang buhay at kultura sa Pilipinas.
Itinatag noong 1974, ang MOWELFUND ay isang non-stock at non-profit organization na nakapokus sa social welfare, edukasyon, at pag-unlad ng industriya ng pelikula, at misyon nitong suportahan ang mga nagsusumikap na makagawa ng makatuturang pelikula para sa mga manonood.
Ibinahagi ni Boots Anson Roa-Rodrigo, Chairman ng MOWELFUND, ang kanyang pasasalamat. “Salamat, Puregold, para sa CinePanalo. Dahil sa inisyatibong ito, malaking tulong ito sa mga direktor at sa mga gumagawa ng pelikula, sa pagtampok ng mga pelikulang nagpapakita ng mga temang pampamilya na sumisimbolo sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.”
“Win-win” kumbaga ang tambalang ito, ayon sa premyadong personalidad sa pelikula at telebisyon. “Panalo ang Puregold for instilling family values through the potent medium of film. Panalo ang MOWELFUND Film Institute for offering logistics to young and enterprising filmmakers. Panalo ang aspiring film students and enthusiasts [because] CinePanalo helps them bring to life their dream projects through the magic of film.”
Kamakailang inanunsyo ng Puregold CinePanalo Film Festival ang final list ng makatatanggap grant nito–anim na direktor para sa full-length film, at 25 na estudyanteng direktor para sa short film–na masinsinang pinili sa 200 na lahok mula sa iba-ibang sulok ng Pilipinas.
Ipalalabas sa enggrandeng debut ang mga pelikula sa Gateway Cineplex 18, Araneta City, mula Marso 15 hanggang 17.