Kahapon na ang huling episode ng Tahanang Pinakamasaya na kung saan ini-replay nila ‘yung huling live episode ng naturang noontime show.
Pagkatapos nito ay ipinalabas na ang statement ng TAPE, Inc. kaugnay sa pagkasibak sa kanila ng GMA 7.
Narito ang kabuuan ng official statement ng TAPE, Inc. family.
“It is with a heavy heart that we inform our televiewers that our noontime show ‘Tahanang Pinakamasaya’ on Kapuso network, GMA 7, will no longer be on air effective March 8, 2024.
“TAPE, Inc. extends its profound gratitude to its home network, GMA 7, for a long and fruitful partnership. GMA 7’s kind consideration and understanding of the company’s unwanted circumstances have been instrumental in helping the company in this transition. Despite our best efforts to save the show, both parties have reached a mutual agreement to finally call off the show.
“To the loyal viewers, esteemed hosts, supportive advertisers, hardworking crew and dedicated employees who have been with us from the very beginning—from the longest running noontime show ‘Eat Bulaga’ to the present ‘Tahanang Pinakamasaya’—our sincerest ‘Thank you!’ and optimistic ‘See you again!’.
“Maraming salamat. God bless!”
Nabago na ang programming ng panghapon. Pagkatapos ng TikToClock ay pelikula raw muna ang ipalalabas at umangat ng 30 minutes ang Abot-Kamay Na Pangarap.
Sa halip na 2:30 ng hapon ay magiging alas dos na ito. Saka dinagdagan nila ng limang minuto ang Fast Talk With Boy Abunda.
Ang daming naglalabasang kuwento sa kung ano ang ipapalit na noontime show ng GMA 7.
May nagsasabing baka ilipat daw ang It’s Showtime para mas lumakas pa ito lalo.
Pero may narinig naman kaming may team na ng Kapuso network na bumubuo ng isang bagong noontime show.
Bong, may ibabalik!
Naniningkit ang mata ni Sen. Bong Revilla sa katatawa kapag lumalabas siya dahil hindi na si Sen. Bong ang tawag sa kanya kundi si Tolome.
Nakasama ang DZRH nang pumunta si Sen. Bong sa San Andres, Manila para magpahatid ng tulong doon lalo na sa senior citizens.
Si Mayor Honey Lacuna ang nag-host, at nung sinabi niya sa mga tagaroon kung kanino sila magpapasalamat, “kay Tolome!” ang tili ng mga tao na ikinawindang ni Mayor Lacuna.
Natatawa na lang si Sen. Bong dahil aware naman siyang mas tumatak na ngayon sa mga tao ang karakter niya sa Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Kaya okay lang daw kung si Tolome na ang tawag sa kanya.
Tuluy-tuloy pa rin ang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis na napapanood tuwing Linggo ng gabi pagkatapos ng Bubble Gang.
Kung ang manager niyang si Manay Lolit Solis ang tatanungin, mas gusto niyang isapelikula na ni Sen. Bong ang Tolome. Pero ang latest na narinig namin, baka ibabalik daw niya ang dati niyang karakter na si Alyas Pogi.
Wala pang katiyakan kung itutuloy na ba nila ang pagsasanib ng mga bigating action stars sa isang pelikula.
Binanggit noon ni Sen. Bong na ang Imus Productions niya ang magpo-produce ng pelikulang pagsasamahan nila nina Sen. Robin Padilla, Sen. Lito Lapid, at Coco Martin, pero wala na kaming latest na balita tungkol dito.
Meron ding pagsasamahan nila nina Sharon Cuneta at Jillian Ward, pero wala pa ring latest update diyan si Sen. Bong.
Mas naririnig na nga naming baka ang Alyas Pogi ang una niyang gagawin.