Totoo kaya ang nababalitaan naming sumasakit na raw ang ulo ng co-producer ng isang daily show dahil sa laki ng gastos nito?
Nagri-rate ang naturang programa, pero ang laki raw ng overhead na ang si co-producer diumano ang naglalabas ng kadatungan!
Nasisilip ko naman ang daily show at marami itong commercials, kaya nagtataka kami bakit nahihirapan sila sa expenses. Hindi ba sapat ang kinikita nila sa pang-araw-araw na gastusin?
Totoo bang mas mura ang rate nila, kaya maraming naglalagay ng commercials.
Mahirap kumpirmahin itong nasagap naming balita dahil tiyak na wala namang may magsasalita sa kanilang kampo. Nakakalusot lang ang ganitong tsismis kapag naririnig nilang pinag-uusapan o kung namomroblema na nga sila sa malaking expenses.
Dennis, inamin ang gagawin ‘pag hindi inimbita sa kasalang Gerald / Julia
Hindi nawawalan ng pag-asa si Dennis Padilla. Umaasa siyang tuluy-tuloy ang pagiging okay nila ng kanyang mga anak, lalo na kay Julia Barretto.
Umaasa siyang pagdating ng araw na ikakasal na si Julia kay Gerald Anderson, siya ang maghahatid sa altar.
Iyun naman ang inaasam-asam ng lahat na ama, para kay Dennis nang nakatsikahan namin sa nakaraang media conference ng pelikulang When Magic Hurts.
Bilang ama ay proud daw siya sa kanyang mga anak. “Lahat ng anak ko, ikinararangal ko silang lahat. Ipinagmamalaki ko silang lahat. Kahit na ano yung experience na dinaraanan ko, lagi ko pa rin silang ipinagmamalaki.
“Tsaka pag may nagsasabi sa kanila ng hindi maganda, ako pa rin yung una nilang makakaaway pag narinig ko ‘yun,” saad ni Dennis.
Kaya sana raw ay mabibigyan siya ng pagkakataong maihatid sa altar ang kanyang anak, kung sakaling magpakasal na ito.
“Isang beses lang mangyayari sa buhay mo ‘yun kaya gusto kong mangyari yun. Pero kung hindi man mangyayari ‘yun… e, gusto ko pa ring ma-witness ‘yung wedding na yun. Kahit na hindi ako yung maghahatid,” deretso niyang pahayag.
Sinundan namin ng tanong kung sakaling hindi siya nasabihan at nagulat na lang siyang ikakasal na pala ito. “Siguro magsusuot ako ng wig tsaka face mask, tsaka shades. Dark shades,” pabiro niyang sagot sa amin.
“Sana, sana nga. Sana naman, ma-invite ako para ahhh mas masaya yun, e. Tsaka parang palagay ko, ‘yun ang tama yata, e,” bawing pahayag ni Dennis.
Pero sa tingin ko naman, mas mabuti sigurong ayusin nila ito nang tahimik.
Hindi iyung tuwing may pino-promote ay nakakalkal ang relasyon ni Dennis sa kanyang mga anak.
Sana maging genuine iyung pag-aayos na hindi na kailangang iparating sa publiko.
Samantala, isang bading na ama ang role ni Dennis dito sa pelikulang When Magic Hurts nina Beaver Magtalas at Mutya Orquia with Maxine Trinindad.
Siya ang nagkupkop dito sa karakter na ginagampana ni Mutya. “Na-excite ako sa pelikula dahil siyempre si Mutya ang lagi kong kasama,” pakli ni Dennis
“Dahil magiging anak ko siya dito. By accident naging anak ko siya rito dahil si Claudine (Barretto) ang talagang nanay niya, nagkita kami by accident sa bus.
“At may mangyayaring hindi maganda, so mapupunta sa akin si Mutya. At maganda, maganda ang mga eksena namin especially nung maliit pa siya, nung inaalagaan ko siya.
“And this is my first movie with Claudine Barretto, that’s why excited ako nung sabihin ni Gabby (Ramos, direktor) na ako ang gaganap na Anton,” saad pa ni Dennis Padilla.