Masayang-masaya si Janice de Belen para sa showbiz career ng anak na si Kaila Estrada. Nag-trending si Kaila noong isang taon dahil sa husay nito sa pag-arte sa seryeng Linlang na unang napanood sa Prime Video. Ngayon ay napapanood ang dalaga tuwing gabi sa Linlang The Teleserye Version at Can’t Buy Me Love. “No’ng bata si Kaila mas nakitaan ko siyang maging model. Kasi mahilig siyang mag-pose sa pics niya. She became a model din naman. But really seeing how good she is as an actress, I am truly proud,” paglalahad ni Janice.
Hinayaan lamang umano ng beteranang aktres si Kaila na gawin kung ano ang nararapat sa trabaho. Matatandaang nabanggit ni Kaila sa pahayag noon na hindi talaga humihingi ng tips o payo mula sa mga magulang na parehong kilala bilang mga magagaling na artista. “I don’t criticize her. I want her to discover these things on her own. I will compliment her, but not criticize,” giit niya.
Samantala, kamakailan ay naospital ang bunsong anak nina Janice at John Estrada na si Yuan. Ngayon ay maayos na ang kalagayan ng binata. “Yuan is recovering very well. He had a gallbladder procedure,” pagbabahagi ng aktres.
Karelasyon ni Anthony, tanggap si Maris
Halos hindi pa rin makapaniwala si Anthony Jennings na tatangkilikin ng mga manonood ang bago nilang tambalan ni Maris Racal. Kinagigiliwan ng mga tagahanga ang karakter ng dalawa bilang sina Snoop at Irene sa Can’t Buy Me Love na pinagbibidahan nina Belle Mariano at Donny Pangilinan. “Sobrang nakaka-overwhelm. ‘Di ko rin in-expect na tatanggapin nang gano’n. Of course, alam naman nating Filipino culture na mahal na mahal nila ‘yung romcom (romantic comedy), ‘di ba? Iyon talaga ‘yung nagpapasaya sa kanila and happy naman ako na nag-work ‘yung mga eksena namin,” nakangiting bungad ni Anthony.
Para sa baguhang aktor ay talagang nagkasundo ang kanilang mga ugali ni Maris. Malaking bagay rin na pareho ang sense of humor nina Anthony at Maris. “Si Maris magaling naman talaga siya eh. Nagko-connect kami sa isa’t isa, parehas kami ng humor and rare nga ‘yung makatagpo ka ng someone na makakapagpatawa kayo nang parehas,” giit ng binata.
Katulad ni Maris ay mayroon ding kasintahan sa tunay na buhay si Anthony. Ayon sa aktor ay suportado rin ng nobya ang kanilang tambalan ni Maris na kilala ngayon bilang SnoopRene. “Matagal na kami, five years na kami. Support naman siya sa lahat ng ginagawa ko. Lagi ko naman sinasabi sa kanya and siyempre communication is the key pa rin talaga. Kailangan pa rin kausapin, ipatindi ‘yung line of work mo. Kasi sa showbiz mahirap intindihin ‘yung trabaho natin. And happy naman ako kasi minsan ka lang din makatagpo ng tao na nakakaintindi ng ginagawa mo,” makahulugang paliwanag ng aktor.
(Reports from JCC)