Kabaong ni Dingdong Dantes sa 'Rewind' naibenta sa halagang P250,000
MANILA, Philippines — Naibenta sa tumataginting na P250,000 ang ataul na ginamit ng aktor na si Dingdong Dantes sa pelikulang "Rewind" — bagay na itinuturing bilang highest grossing Filipino film sa kasaysayan ng bansa.
Lumabas kasi sa YouTube series na "Pinoy Pawnstars" ang funeral service provider ng St. Athanasius Memorial Chapel na si Pasky Ilagan sa pag-asang maibenta ang kakaibang item sa shop ng internet personality na si Boss Toyo.
"Ito po 'yung ginamit sa shooting sa 'Rewind' ni [Dingdong Dantes]. First time [niya] humiga [rito]," wika ni Ilagan sa episode na in-upload ngayong Biyernes.
"Hiniram lang po sa amin ng production... Sa may San Andres Bukid, Manila [ang punerarya namin]... Sa ngayon, first time sa St. Athanasius [makakuha ng kliyente para sa pelikula]."
Nagpakita pa si Ilagan, na nagmamay-ari ng punerarya, ng video ng pagpasok ni Dingdong sa loob ng naturang kabaong bilang patunay.
Gawa sa bakal ang casket at sinasabing imported pa galing sa ibang bansa.
"Ito po sir, imported naman po ito. Balak kong ibenta sa'yo ito nang P1 million," dagdag pa ni Ilagan.
"Ang balak po sana namin, 'yung shooting kasi medyo magulo, pipirmahan sana ni Dingdong 'yung gilid [ng kabaong]."
"Talagang noong nagamit po sa shooting 'yan, kineep na po namin 'yan."
Sinasabing P350,000 ang halaga ng naturang kabaong kung ia-avail ng mga karaniwang kliyente sa punerarya. Kasama na rito ang mga serbisyo gaya ng karo.
Sa kabila nito, hindi nakuha ni Ilagan ang inalok na presyo at binili na lang ito ni Boss Toyo sa halagang P250,000.
Ayon sa YouTube personality, mas mataas sana ang halaga nito kung nakuha nilang papirmahan ito kina Dingdong at asawang si Marian Rivera, na siyang kasama rin sa "Rewind."
Nag-react na rin si Dingdong sa naturang transaksyon sa kanyang Instagram story at sinabing, "Medo malambot naman siya sa loob," wika ng aktor.
- Latest