Kris Aquino ikinatakot 'pagtigil ng puso' dahil sa susunod na gamutan

Litrato ng dating TV host at aktres na si Kris Aquino
Video grab mula sa Facebook page ng "Fast Talk With Boy Abunda"

MANILA, Philippines — Humihingi ngayon ng panalangin ang "Queen of All Media" na si Kris Aquino para sa susunod na pagdaraanang gamutan sa puso — bagay na namamaga habang humaharap sa limang autoimmune diseases.

Ito ang ibinahagi ni Kris tungkol sa ilang updates kaugnay ng kanyang kalusugan sa "Fast Talk With Boy Abunda," Miyerkules, kasabay ng kanyang ika-53 kaarawan. 

"On Monday [U.S. time], papasok ako sa ospital at may susubukan kaming biological na gamot. This is my chance to save my heart," wika ng aktres kay Abunda.

"Kung hindi ito tumalab... I stand a very strong chance of having cardiac arrest. Pwedeng in my sleep or kung ano man ang ginagawa ko, pwedeng tumigil na lang 'yung pagtibok ng puso [ko]."

 

 

Dati nang bukas ang aktres tungkol sa kanyang lumalalang kalusugan, dahilan din para labis na bumagsak ang kanyang timbang.

Dagdag pa niya, nagdulot na rin ng mga komplikasyon sa kanyang puso at kanang baga ang mga naturang autoimmune diseases — dahilan daw para maging "crucial" para sa kanyang buhay ang susunod na anim na buwan.

Bukod pa rito, maaari raw siyang ma-stroke anumang oras sa ngayon, lalo na't may kasaysayan ng cardiovascular diseases ang kanilang pamilya.

"Ang tagal niyo na akong pinagdarasal, but I really need it now," dagdag pa niya. "I refuse to die. Ang next chapter ko ay to be a stage mother!"

"I'm 53 now. I still want to be here when I’m 63."

Ibinahagi rin niyang itinaas ang nire-reseta sa kanyang Methotrexate, bagay na karaniwang ibinibigay sa mga sumasailalim sa chemotherapy.

Dagdag pa niya, dalawa sa tatlong gamot na kanyang ginagamit sa ngayon ay wala pang approval ng Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa Pilipinas.

Una nang tinamaan ng COVID-19 si Kris noon, dahilan para lumala pa ang kanyang kalusugan.

Matatandaang naging co-hosts noon sina Boy Abunda at Kris sa "The Buzz" sa ABS-CBN, isang showbiz and entertainment talk show na naging tanyag noong 2000s.

Show comments