Natupad ang pangarap ng fashion designer at businesswoman na si Jocelyn Cubales na mas kilalang si Joyce Pilarsky na makasali sa isang beauty pageant kagaya ng Miss Universe-Philippines QC.
Wala nang age limit sa mga kandidata at tanggap na rin ang mga transwoman at nasa plus size.
Kaya nakapagtala si Joyce sa history ng beauty competition na pinakamatandang kandidata.
Sumali siya sa edad na 69, at lumaban ito sa Miss Universe Quezon City na ginanap ang coronation sa Seda Hotel nung nakaraang Lunes, February 5.
Napanalunan ito ng taga- Brgy. South Triangle na si Lorraine Ojimba, na nakuha ang halos lahat na special award kagaya ng Best in Swimsuit at Best in Long Gown.
Pero hindi rin nagpahuli si Joyce dahil nakapasok siya sa top 10 at nabigyan siya ng special award na Anlene Award at Light of Dreams ng Light of the Universe.
Pero masaya si Joyce at very memorable daw sa kanya ang experience na iyun, kaya okay na raw sa kanya kahit hindi niya nakuha ang titulo at hindi siya representantive ng QC sa Miss Universe-Philippines.
“It’s very rewarding po. Nakakatuwa,” bulalas ni Joyce nang nakatsikahan namin sa DZRH nung Lunes.
Ang mahalaga ay nakapagbigay daw siya ng inspirasyon sa mga tao, lalo na sa mga senior citizens na sa tingin nila, wala pa silang karapatang sumali sa ganung patimpalak.
“Enough na yun for me that I’m able to touch somebody’s life. History na raw ako. Iyun yung important for me that people will hear my story, and that their life will be different and much more better, because they heard me doing these healthy examples. Because sabi ko sa kanila, you have to think of yourself na healthy kayo. Because if your healthy, you can do amazing things ‘di ba?
“Kaya ayun! Nag-exercise daw sila, they take healthy food na raw, take care of themselves more. O ‘di ba? That’s something not everybody can do, ‘di ba?,” saad ni Joyce Pilarsky.
Marami rin daw siyang masasakit na komentong natatanggap na talagang iniyakan niya, pero ang mahalaga para sa kanya ay marami raw siyang in-inspire na huwag mawalan ng pag-asa, basta ayusin lang ang sarili, makakamit ang matagal na nilang hinahangad kagaya nitong pagsali sa isang beauty competition.
Direk Joel, kaliwaan ang bayad sa Batang Quiapo
Isa si direk Joel Lamangan sa nabahala at apektado sa pagpanaw ng Dreamscape head na si Deo Endrinal.
“Iniisip ko talaga, lahat ng mga nadi-dead, kilala ko,” bulalas ni direk Joel nang sandali naming nakatsikahan sa nakaraang birthday at thanksgiving party ng BG Films Producer Ms. Baby Go.
“Kaya dapat mag-ingat ingat na tayong lahat.
“Hindi ko na ginagawa ang mga dati kong ginagawa,” dagdag niyang pahayag.
Pero gusto pa rin daw niyang magtrabaho, pero nag-iingat na.
Hindi naman daw siya puwedeng magpahinga o baka-bakasyon na lang.
“Eh di lalo akong mamatay!” tili niya sa amin.
“Sabi nga ng doktor, ‘do what you would like to do, but in moderation. Hindi ako puwedeng mapuyat -puyat, puyat lagi,” dagdag niyang pahayag.
Kaya kapag nasa taping siya ng Batang Quiapo, aware na raw sila sa cut-off, dahil hindi raw siya puwedeng abutin ng umaga.
“Sinasabi ko, Hoy aalis na ako! Mag-alas diyes na. Alam na nila yun.
“Hindi ako puwedeng mapuyat,” sabi pa ng batiking director.
Marami pa siyang naka-line up na pelikulang gagawin at excited siya sa gusto na niyang simulan, kagaya ng pelikulang mala-In the Realm of the Senses. Pero hindi naman daw kasinhalay ng pelikulang iyun ng Japan.
Tuluy-tuloy pa rin siya sa Batang Quiapo at nagi-enjoy siya dahil hindi raw siya tinipid sa seryeng .yan. Kaliwaan pa raw ang talent fee. Basta may cut-off lang siya.