Masaya na ang boses ni Cong. Jolo Revilla nang nakausap ko siya via Viber kahapon para kumustahin ang asawa niyang si Angelica Alita-Revilla.
Kalalabas lang nila ng hospital sa Cedars Cinai Medical Center sa Los Angeles, California at kasalukuyang nagpapagaling na ang kanyang asawa.
Ipinost na nga ni Cong. Jolo ang kanyang social media account ang buong mukha ng first baby girl nila ni Angel na pinangalanan nilang si Lauren Angela.
Sabi naman ng kongresista na ang gusto niyang pangalan ay may resemblance sa pangalan nilang mag-asawa. Ang Lauren ay galing sa pangalan niyang Jose Lorenzo at ang Angela ay kay Angelica.
Sabi niya sa caption ng video post, “Siya ay pinanganak noong Jan 30, 2024, 9:28PM na may timbang na 7 pounds and 12 ounces na may haba na 21 inches. Isinilang siya sa Los Angeles, USA.
“Si Angel ay nakaranas ng high risk pregnancy. Sa panahon na kami ay regular na nagpapa-check-up, napag-alaman na mayroon siyang circumvallate placenta, ito ay i abnormalididad sa placenta na siyang bumabalot sa sanggol habang siya ay nasa sinapupunan na nagdulot ng mataas na chance of complications tulad ng pre-term delivery at placental abruption, at ayon sa mga eksperto maaaring ikamatay ng sanggol sa loob o kakailanganin ng emergency cesarean kapag siya ay ipapanganak na.
“Sa awa ng Diyos ay naisilang ng full term ang aming anak. Malusog at walang komplikasyon. Yun nga lang, ang aking maybahay na si Angel ay nagkaroon ng komplikasyon na nagdulot ng walang tigil na pagdugo na kinailangan pang salinan siya ng dugo matapos niyang ipanganak si Baby LA. Walang pagsidlan ang aking takot at kaba at pakiramdam ko ay iiwan na kami ng aking asawa. Pero mahal kami ng Diyos, milagrong nalagpasan namin ang paghihirap ni Angel, nilabanan niya din ang kanyang kalagayan at ngayon ilang araw na ang nakalipas siya ay patuloy nang nagpapalakas.
“Sa aming anak, Baby LA, mahal na mahal ka namin ni Mommy Angel aalagaan at papalakihin ka namin nang puno ng pagmamahal. We love you!”
Mahina pa ang boses ni Angel nang nakausap ko rin sa telepono. Ikinuwento niya na buong akala raw niya ay katapusan na niya nung nakaranas siya ng tuluy-tuloy na pagdurugo.
“Hindi ako puwedeng mawalan ng malay. Ayaw ko matulog kasi baka hindi ako magising,” pabulong na sambit sa akin ni Angel.
Sabi pa ni Cong. Jolo, parang hindi raw makapaniwala ang mga doktor na nalagpasan ito ng kanyang asawa.
Himala raw itong nangyari, at naniniwala si Cong. Jolo na mas mabisa talaga ang patuloy na panalangin na malagpasan ito ni Angel at okay ang kanilang baby LA.
“Sabi ng doktor pag nakikita nila si Angel, ‘the fact that she’s with us that’s a blessing,” sambit nito.
“Mabuti nandito si Mama, talagang siya nagpapakalma sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko,” dagdag na pahayag ni Cong. Jolo Revilla.
FDCP, MMDA at mga mayor, sanib-puwersa para sa zero amusement tax ng local films!
Isa sa magandang sidelights sa ginanap na Manila International Film Festival sa Los Angeles, California ay ang pag-uusap ng mga taga-FDCP na pinangungunahan ni Chairman Tirso Cruz III kasama si direk Joey Reyes, ang MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, Metro Manila Council and the Mayors tungkol sa Zero Amusement Tax for local films sa loob ng tatlong taon.
Nakakatuwa dahil nagpahayag na ng suporta ang San Juan Mayor Francis Zamora, Malabon Mayor Jeannie Sandoval, Navotas Mayor John Rey Tiangco at ang Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Nandun din ang presidente ng Philippine Councilors League na si Councilor Carol Cunanan at sinabi niyang sa Caloocan City ay noong 2015 pa raw ay 10 percent lang ang kinakaltas nilang amusement tax sa mga pelikulang ipinapalabas sa kanilang mga sinehan. Kapag local film daw ay 5 percent lang. Kaya matagal na raw silang sumusuporta sa ating movie industry.
Bago pa ang MIFF ay nakipagkita rin ang film producers kasama si Chairman Tirso Cruz III sa DILG Secretary Benhur Abalos para mapakinggan ang kanilang hiling na humihingi ng tatlong taong tax holiday sa lahat ng local films.
Sana totoo na talaga this time, dahil sa magandang resulta ng MMFF 2023. Samantala, nagpasa naman sina Councilor Aiko Melendez at Alfred Vargas ng resolution para sa pelikulang Rewind.
Ipinost ni Aiko sa kanyang Facebook account ang isinumite nila ni Alfred noong Jan. 25 ang Resolution expressing the sincerest congratulations and commendation of the City Mayor, Honorable Ma. Josefina G. Belmonte, the City Vice Mayor, Honorable Gian G. Sotto and the Honorable Members of the 22nd City Council to the artist and production team of the 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF) movie entitled Rewind as the highest-grossing Filipino film.
Maraming eksena sa pelikula na kinunan sa Quezon City at kasama sa highlights ang eksena sa Quezon City Circle.