Pumatok sa mga manonood ang mga eksena nina Maris Racal at Anthony Jennings sa Can’t Buy Me Love. Ginagampanan ng aktor ang karakter ni Snoop at si Irene naman ang karakter na ginagampanan ni Maris sa seryeng pinagbibidahan nina Belle Mariano at Donny Pangilinan. Nakilala na sa tawag na ‘SnoopRene’ ang tambalan nina Maris at Anthony ngayon. Madalas umanong nag-a-adlib ang dalawa sa taping upang mas mapaganda pa ang kanilang mga eksena. “May halong adlib, siyempre sa script sinusunod pa rin namin of course. Pero once may maisip kami na, ah pwede idagdag ‘to na ideas. Sinasabi namin kina direk. ‘Pag mag-a-adlib ‘yung isa, hindi magpapatalo ‘yung isa eh. Bigayan kayo eh,” pagbabahagi ni Anthony.
Hindi raw inakala ng baguhang aktor na papatok sa mga manonood ang kanilang tambalan ni Maris. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto pa ring makatrabaho ni Anthony ang aktres sa mga susunod na proyekto. “’Di lang namin in-expect talaga na aabot sa ganito. Kung mabibigyan ng kasunod, bakit hindi? Kung ano ‘yung mangyayari, go with the flow naman kami parehas eh,” nakangiting pahayag ng baguhang aktor.
Baron, bow kay Donny
Napapanood na sa mga sinehan ang pelikulang GG (Good Game) na pinagbibidahan ni Donny Pangilinan. Kabilang din sa sinasabing kauna-unahang esports film sa bansa si Baron Geisler. Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil nakagawa ng isang proyektong mayroong kakaibang tema. “I’m grateful to be part of this spectacular movie. Pwedeng ipagmalaki sa buong mundo. Galing ng directing, galing ng story, plus ‘yung effects,” bungad ni Baron.
Nasaksihan umano ng aktor ang husay ni Donny sa trabaho. Para kay Baron ay talagang kakaiba ang ipinakitang galing sa pag-arte ni Donny sa bagong pelikula. “He did such an amazing job, kakaiba. Kasi iba sa teleserye niya, lovey dovey. Dito talaga you’ll see ‘yung acting prowess niya. Aside from my scenes, ‘yung scenes ng mother and son nila (ni Maricel Laxa) really tugged the strings in my heart. For sure marami mai-inspire dito na mother and son,” paglalahad niya.
Hinihikayat ni Baron ang mga manonood na tangkilikin ang GG (Good Game).