Janno, tumba sa takilya
Hindi talaga maganda ang resulta sa box-office ng dalawang local films na nagbukas nung Miyerkules.
Magkasabay na nag-showing ang Itutumba Ka ng Tatay Ko ni Janno Gibbs at ang GG (Good Game): The Movie ni Donny Pangilinan na kasama pa ang namayapang veteran actor na si Ronaldo Valdez.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, ang tantiya nila ay halos P500K lang kinita sa first day of showing.
May tina-target pa naman daw ang Star Cinema na kikitain ng GG The Movie, pero mukhang mahihirapan silang abutin ito.
Tingnan natin sa weekend kung makakabawi ito.
In fairness naman kay Belle Mariano, sinuportahan niya ang pelikulang ito nang dumalo siya sa premiere night nung Martes na ginanap sa SM Megamall.
Dumating din ang iba pang co-stars ni Donny sa serye nilang Can’t Buy Me Love.
Samantala, nakakapanlumo rin ang nabalitaan namin sa Itutumba Ka Ng Tatay Ko. Nung tsinek namin nung Miyerkules ng hapon, may ilang sinehan daw na wala pang may nanonood.
Kaya nakakalungkot at bumalik na naman sa matamlay na sitwasyon ang mga pelikula natin.
Kapuso male balladeer, nagma-manifest na magkaroon ng sikat na kanta
Matutupad na rin ang matagal nang pangarap ng Kapuso male balladeer na si Anthony Rosaldo na magkaroon ng sarili niyang solo concert.
Pinamagatang Switch Anthony Rosaldo Live In Concert na gaganapin sa Music Museum sa Jan. 31. Special guests ni Anthony sina Rita Daniela, Gian Magdangal, Khalil Ramos at Menchu Lauchengco.
Nung nag-guest daw siya sa Queendom concert nung December na mapapanood na sa GMA 7 ngayong gabi, na-inspire raw siya na ipursiging magkaroon ng solo concert.
Pawang mga kasamahan niya kasi sa The Clash ang mga nasa Queendom.
“Sobrang inspired po ako. Happy ako kasi mostly lahat sa Queendom, first time mag-concert, at ang gagaling nila. Nakita ko kung paano sila sinuportahan ng mga fans. Sinuportahan talaga sila one hundred percent,” pakli ni Anthony nang nakapanayam namin sa media conference niya.
Pero hiningan namin siya ng reaksyon na nakikita namang magagaling silang mga produkto ng The Clash, pero bakit wala pa talaga sa kanila na masasabing sumikat nang bonggang-bongga, kagaya nina Julie Anne San Jose, Erik Santos, Christian Bautista, Mark Bautista, KZ Tandingan at kahit si Regine Velasquez na produkto ng singing competitions.
Ani Anthony, “I think para sa akin ang next goal ko, para sa akin para mas umariba pa ang career ng isang singer na galing sa competition, dapat may kantang sumikat. Kahit isang kanta lang. That’s my greatest dream sa music career ko…to have one song na kantahin nila.
“It’s just one song. Kung magkaroon ka nu’n… hindi ko masabi kung kailan kasi ang dami ko na ring na-release na kanta,” saad pa niya.
Kaya hindi raw siya sumusuko. Nandiyan pa rin daw ang matagal na niyang pinapangarap na magkaroon ng kahit isang sikat na kanta.
- Latest