Mga local producer, humihirit ng tatlong taong tax holiday

Para raw makabawi-bawi na

Isa sa pinag-uusapan sa huling lamay kay Kuya Mario Bautista nung Huwebes ng gabi ay ang box-office results pa rin ng katatapos lang na Metro Manila Film Festival.

Kinukuwestiyon nila bakit hindi pa rin daw naglabas ang MMFF Executive Committee ng box-office ranking at gross receipts.

Sinabi naman ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na hindi na sila maglalabas ng ranking ng box office.

Masaya na silang mahigit P1B ang kinita ng sampung pelikulang kalahok at hanggang ngayon ay malakas pa rin ang top grosser na Rewind.

Pero ang sabi ng reliable source namin, mahina na ang mga pelikula sa sinehan, na tila bumuhos na sila nung nakaraang holidays.

Ayon sa aming pagtatanung-tanong, sobrang laki ng agwat ng Rewind sa pumangalawa sa box-office na Mallari.

Halos naka-P200M naman daw ang horror film ni Piolo Pascual, at ang sumunod ay GomBurZa na malapit nang sumampa sa P100M.

Masaya na rin ang GMA Films para sa pelikulang Firefly, dahil ang laki ng itinaas ng sales nito pagkatapos ng awards night.

Hindi lang namin nakuha ang eksaktong figures, pero hindi pa raw sumampa sa P100M. Pero bawing-bawi na raw sila, dahil mabebenta na rin ang streaming rights nito.

Nasa limang top grosser din ang pelikulang Family of Two nina Sharon Cuneta at Alden Richards.

Ayon sa aming source, halos naka-P50M naman daw ito, at masaya na si Mayor Enrico Roque ng Cineko Productions dahil naibenta na rin nila ito sa Netflix nang malaki, kaya kumita na raw siya.

Kahit ang ibang MMFF movies na wala sa limang top grosser ay bawi na rin daw dahil sa naibenta nila ang streaming rights.

Kaya malaki ang nagawa ng mga streaming service para mabawi ng mga producer ang kanilang ipinuhunan.

Pero pinu-push pa rin nila sa ating pamahalaan na huwag sana silang pahirapan sa amusement tax.

Kaya sa tulong ng Film Development Council of the Philippines, dumulog ang film producers kay DILG Secretary Benhur Abalos para hilingin sa mga LGU (local government unit) na bigyan sila ng tatlong taong tax holiday.

Malaking tulong daw sana ‘yun kung mapapagbigyan sila, para tuluyang makabalik ang sigla ng ating movie industry.

Pinaghahandaan na ngayon ng ibang movie producers ang pelikulang isasali nila sa 50th year ng MMFF sa December.

Ang narinig namin, marami raw ang gustong gumawa ng historical film na madalas ay humahakot ng awards at nakikipaglaban sa takilya.

Kaya abangan natin kung kaninong kuwento ng mga bayani natin ang maaaring mapanood natin sa MMFF 2024.

Samantala, all set na rin ang Manila International Film Festival sa Los Angeles, California na magsisimula sa Jan. 29 hanggang Feb. 2.

May representative na ang bawat entry.

Si Christopher de Leon ang dadalo para sa When I Met You In Tokyo, si John Arcilla para sa Penduko, si Dingdong Dantes naman para sa Rewind, sina Piolo Pascual at Janella Salvador para sa Mallari, sina Enchong Dee at Cedrick Juan para sa GomBurZa, si Ysabel Ortega para sa Firefly, si Eugene Domingo naman para sa Becky and Badette, si Beauty Gonzalez para sa Kampon, si Christan Bables sa Broken Hearts Trip at si Alden Richards para sa Family of Two.

Isla babuyan ng Fil-Brit singer / actress, katorse ang dating

Natapos na ang principal photography ng pelikulang Isla Babuyan na launching movie ng baguhang singer/actress na si Geraldine Jennings.

Sobrang pursigido ang mentor at talent manager niyang si Leo Dominguez na mapasikat si Geraldine bukod sa magaling itong kumanta, may promise rin daw sa pag-arte.

Isang Fil-Brit si Geraldine at matagal na siyang niligawan ni Leo na pasukin nito ang pag-aartista.

Ayon kay Leo, bagay kay Geraldine ang pelikulang Isla Babuyan na inspired sa mga pelikula ng yumaong direktor na si Joey Gosiengfiao.

Mala-Dina Bonnevie raw kasi ito ng Katorse na tingin niya bagay kay Geraldine.

Ka-partner niya rito si Jameson Blake kasama sina Paolo Gumabao, James Blanco, Dave Bornea, Nathalie Hart at Ms. Lotlot de Leon.

“It was an amazing experience… It was challenging initially because it’s very different from studying it but everyone was so helpful, so friendly.

“It was natural and felt normal. It felt great, I love it!” bulalas ni Geraldine.

Si Abdel Langit ang direktor ng naturang pelikula na, at si Leo Dominguez mismo ang nag-conceptualize kasama sina Jessie Villabrille at Bam Salvani.

Show comments