MANILA, Philippines — Sobra ang galit ng isang BarDa fan kay Jak Roberto dahil ang wish nito ay hindi na i-renew ng Sparkle GMA Artist ang kontrata ng aktor. Hindi raw kawalan si Jak kapag wala na sa Sparkle dahil hindi naman ito magaling umarte, may edad na at hindi sumikat.
Para masigurong makakarating kay Barbie ang comment na ito ng BarDa fan, tinag niya ang aktres. Sinundan pa ng ibang haters ni Jak ang wish na hindi na siya i-renew ng Sparkle sa pagsasabing nakikisakay lang ang aktor sa kasikatan ni Barbie.
Pati nga si Barbie, dinamay dahil nagpapauto raw ito at kahit nagkaisyu si Jak sa isang sexy star, tinanggap pa rin niya at hindi pa rin sila nagbe-break. Malinaw na gusto ng ilang BarDa fans na mag-break sila, pero sabi ng JakBie fans, malabo sa ngayon ang gusto nilang mangyari dahil solid at strong ang foundation ng relasyon nila.
Isyu rin sa ilang BarDa fans na walang show sa GMA 7 si Jak ngayon at sa online selling lang daw busy. Samantalang si Barbie, may Pulang Araw at may natapos na pelikula sila ni David Licauco.
Nakalimutan lang ng haters ni Jak na katatapos lang ng series na The Missing Husband na kasama ito sa cast.
Kailan kaya maihihiwalay ng ilang BarDa fans ang reel sa real? May mga nagagalit kapag nag-post ng photo sina Barbie at Jak na natural lang dahil magdyowa sila.
Apektado tuloy ang socmed life nina Barbie at Jak, hindi na sila makapag-post ng gusto nilang i-post. Madalas din, limitado ang puwedeng makapag-comment sa post nila.
Martin, naunahan ni Rayver
Hindi sina Martin del Rosario at Liezel Lopez ang magkatambal sa maintrigang series ng GMA 7 na Asawa Ng Asawa Ko, dahil sa karakter ni Rayver Cruz na si Jordan, ikakasal ang karakter ni Liezel na si Shaira. Pero, sabi ni Martin na gumaganap sa role ni Jeff, may sorpresa ang kanyang karakter, kaya malay natin at sa kalagitnaan ng kuwento ay sila ni Liezel ang magkarelasyon.
Gaya sa ibang cast, natuwa si Martin na mula sa afternoon time slot, inilagay ang Asawa Ng Asawa Ko sa primetime slot.
Inamin niya na napagalitan din siya ni direk Laurice sa taping nila sa mga unang araw ng kanilang taping dahil ‘yun sa hindi pa raw niya masyadong naramdaman ang karakter niya.
Sa Monday, Jan. 15, 9:35 p.m., ang premiere ng Asawa Ng Asawa Ko at airing hanggang Thursday. Mapapanood din ang series sa GMA Pinoy TV.
Anyway, napansin ng press na bumagay kay Martin ang hairstyle niya ngayon at mas lalo siyang gumuwapo sa ayos ng kanyang buhok.
Aga at Julia, aprubado ni Charlene
Spotted sa Viva Entertainment office noong isang araw sina Julia Barretto at Aga Muhlach, pinagmitingan siguro ang nalalapit na showing ng movie nilang Ikaw Pa Rin ang Pipiliin Ko na Feb. 7, 2024 na ang playdate.
Iba’t iba ang reaction ng netizens sa pagtatambal nila sa nasabing pelikula, hindi lang daw May-December romance ito, baka January-December dahil sa kanilang age gap. May nag-post nga na Aga is 54 years old na at si Julia ay 26 years old, o 29 years ang age gap nila at gustong tukuyin na hindi bagay ang tambalan nila.
Pero, may mga kumontra na in real life, nangyayari ito at pati nga sa Hollywood.
Ibinigay na halimbawa sina Harrison Ford at Calista Flockhart na kahit major ang age gap ay naging masaya ang married life.
Ang moviegoers pa rin naman ang magdedesisyon kung panonoorin at susuportahan ang pelikula.
At least, si Charlene Gonzalez-Muhlach, suportado ang movie nila at nag-agree siya sa sinabi ni Aga na “Exciting times soon!”