Bagong taon, bagong pasabog sa hapon.
Simula Jan. 8, mapapanood na sa GMA Afternoon Prime ang revenge series na Makiling tampok sina Sultry Leading Lady Elle Villanueva at Sparkle Debonnaire Derrick Monasterio.
Ang Makiling ay kuwento ni Amira (Elle), na magiging sentro ng pang-aapi subalit babangon upang maghatid ng sukdulang paghihiganti.
Lubos ang pasasalamat ni Elle sa bagong proyekto niyang ito sa Kapuso Network.
“I am grateful to GMA Network na binibigyan nila ako ng project at hindi lang siya basta-basta project, napakaganda ng istorya na ito. At lalong-lalo na revenge drama siya. Nung marinig ko pa lang ang title na Makiling, very interesting na siya para sa akin. Gusto kong bigyan ng justice ang karakter ni Amira. Challenging siya for me,” paglalahad ni Elle na naging bahagi kamakailan ng live-action television adaptation ng Voltes V: Legacy.
Ang Makiling ay nagsisilbi ring reunion project nina Elle at Derrick pagkatapos ng kanilang unang team-up sa Return to Paradise.
Sa totoong buhay ay magkarelasyon sila at open sila na open sila sa live-in setup.
Anyway, ginagampanan ni Derrick ang role ni Alex sa serye, ang nobyo ni Amira na gagawin ang lahat para protektahan ang mahal niya sa buhay.
“Ibang-iba ito sa character ko dati. Mas iba na ang atake since mas nag-mature na ako. Mas iba na ang tingin ko sa mundo kaya mas mabibigyan ng depth ‘yung karakter ko as Alex who is a protector na maraming layers [sa pagkatao],” pagbabahagi ng actor.
Tampok din sa serye ang powerhouse cast na kinabibilangan nina Thea Tolentino, na gaganap bilang ate ni Amira, ang black sheep na si Rose; habang sina Kristoffer Martin, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro naman ang bumubuo sa Crazy 5.
Bibigyang-kulay pa lalo ang buhay ni Amira ng pagganap ng mga beteranong character actors na sina Mon Confiado, Bernadette Allyson-Estrada, Richard Quan, Cris Villanueva, Lui Manansala, Andrea Del Rosario, at Ms. Lotlot de Leon.
Pamilya ng mga manggagamot si Amira (Elle) na nakatira sa paanan ng bundok ng Makiling. Sa kagustuhang makatulong sa pamilya, magtatrabaho si Amira sa isang eskwelahan sa Maynila. Dito niya makakatagpo ang limang school bullies na tinatawag na Crazy 5. Sila ay mga anak ng mayayaman at makapangyarihang pamilya, kabilang ang magkapatid na Portia at Seb (Myrtle at Kristoffer), mga anak ng may-ari ng isang higanteng pharmaceutical company, ang Nexcelsium.
Magbabago ang buhay ni Amira nang matuklasan nila ni Alex (Derrick) ang isang misteryosong bulaklak sa kagubatan ng Makiling. Tinatawag na ‘Mutya,’ ang bulaklak ay sinasabing lunas sa iba’t ibang mga sakit. Nais ni Amira na gumawa ng mga libreng gamot mula rito para makatulong sa mahihirap. Pero gusto itong angkinin at pagkakitaan ng Nexcelsium.
Gagawin ng Crazy 5 ang lahat para mawala si Amira sa kanilang landas at maangkin ang Mutya.
Dahil sa mabigat na role, aminado si Elle na marami siyang investment sa seryeng ito kaya naman talagang naluha siya habang pinapanood ang trailer ng serye.
“Halos araw-araw nabubugbog ako rito. ‘Yung tipong mag-i-end ang show, nandito na sa pisngi ang mata ko, nandito na sa noo ang ilong ko. Parang ganun ang mangyayari.
“So nung makita ko ang trailer, ang ganda ng kinalabasan. I didn’t expect it to be that beautiful. Malaki talaga ang utang na loob ko sa GMA News & Public Affairs, kasi pinagkatiwalaan nila ako sa project na ito,” kuwento ni Ella na talagang hindi napigil ang pag-iyak.
Ito ay mula sa produksyon ng award-winning team ng GMA Public Affairs na nagbigay-buhay sa hit TV series na Lolong, The Write One, at Owe My Love.
Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m. pagkatapos ng Stolen Life sa GMA Afternoon Prime!
Tahanang pinakamasaya, inaapelang palitan
Hopia ang fans na sa GMA na mapapanood ang It’s Showtime.
Nagwo-worry ang fans na walang masyadong dating ang bagong title ng Eat Bulaga na Tahanang Pinakamasaya.
Wala na raw ba silang maisip na ibang title?
Parang very ‘80s at walang rhyme.
At baka raw maapektuhan nito ang kontrata ng TAPE Inc. sa GMA 7 matapos manalo sina Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon sa Intellectual Property Office of the Philippines at sa copyright infringement and unfair competition sa Marikina Trial Court.
Kinansela nga IPOPHL ang trademark registration ng TAPE Inc. para sa Eat Bulaga two weeks ago habang pinaboran Marikina City Regional Trial Court (Branch 273) ang decision sa copyright infringement and unfair competition na isinampa nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon laban sa programa recently lang.
Baka raw kasi magkaroon ng ground na iterminate ang programa kung mag-iiba na nga ang title nito dahil Eat Bulaga ang nakalagay sa kanilang kontrata ayon sa isang source.
Sa December 2024 pa ang expiration ng contract ng TAPE Inc. sa GMA 7.
“Matagal pa kasi ang expiration ng contract nila, December 2024 pa, so saka na lang siguro mag-uusap about renewal.
“Siyempre may negotiations ‘yan,” pahayag ni Ms. Annette Gozon-Valdes bago lumabas ang mga desisyon na pumabor sa TVJ.