May hawak ng season passes, malaking tulong sa pila ng mga sinehan

Piolo Pascual

Hindi pa namin nakuha ang buong total gross ng 4th at 5th day ng sampung pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival, pero may ilang napagtanungan na kaming nakapag-ikot ikot sa ilang sinehan sa malls.

Marami pa rin ang nanood at pila sa halos lahat na mga sinehan. Pero ang sabi raw ng ilang takilyera, halos kalahati raw sa mga nanood ay gamit ang season pass. Kaya hindi pa masabi kung malaki pa rin ba ang kinita sa mga sumunod na araw.

Pero obvious namang ang pelikulang Rewind pa rin ang nangunguna sa takilya at mahirap na itong lagpasan pa. Malayo na raw ang agwat ng mga sumusunod na pelikula kagaya ng Mallari, Family of Two, Penduko, Kampon at marami pa.

Ang maganda lang dito, pagkatapos ng awards night ay nadagdagan ng sinehan ang 1st at 2nd best picture na Firefly at GomBurZa na mahina nung mga unang araw.

Malaking bagay talaga ang nakakuha ng mga awards dahil na-curious ang karamihan kung gaano ba kaganda ang dalawang pelikulang ito.

Maganda ang mensaheng hatid ng Firefly lalo na sa mga kabataan, kaya dapat talagang iendorso ito.

Sinasabi ng iba na dapat ay iendorso ng Department of Education ang Gomburza para malaman ng ating mga kabataan ang tunay na kuwento ng ating kasaysayan.

Aprub kaya ito kay Vice President Sara Duterte? ‘Di ba nag-viral pa noon ang isang episode ng PBB na kung saan ay sinagot ng dalawang batang housemates na MaJoHa ang tawag sa tatlong martyr priests na sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na ikinadismaya ng host na si Robi Domingo at ng ating mga kababayan.

May panawagan pa noon na dapat ay ayusin ang educational system ng ating bansa. Kaya malaking bagay rin itong meron talaga tayong napapanood na pelikula sa MMFF na tumatalakay sa kasaysayan ng ating bansa.

Kagaya sa taong 2024, ika-50th year ng MMFF,  inaasahan ang mga malalaking pelikula ang ihahandog ng taunang filmfest na ito.

Kaya magandang balita nga itong nadagdagan ng mga sinehan ang Firefly at ang ikinatuwa pa ng mga supporters ng GomBurZa na napapanood na ito sa Laguna, Antipolo, Bataan, Legazpi, at sa Cagayan de Oro.

Nananawagan ang mga taga-Quezon na maipalabas sana sa Lucena City ang naturang pelikula. Nag-shooting ang GomBurZa sa Tayabas City na katabi ng Lucena City.

Iyong eksenang nag-uusap sina Piolo Pascual at Cedrick Juan sa loob ng simbahan ay kinunan sa Minor Basilica of St. Michael the Archangel ng Tayabas City.

Samantala, masaya ang mga taga-Mallari dahil sa consistent na malakas ang naturang pelikula. Naging 3rd Best Picture pa ito na ang dinig ko isa sa nagkagusto sa pelikulang ito ni Piolo Pascual ay ang chairman mismo ng jury na si direk Chito Roño. Mahilig kasi talaga sa horror si direk Chito.

Kaya ano ‘yung kumalat na negatibong isyu noon na nilait daw ni direk Chito ang Mallari?

Pakulo ba ito mismo ng mga taga-Mallari para dagdag ingay sa kanilang pelikula? Sana hindi ‘di ba?

Marami rin ang natuwa sa Family of Two nina Sharon Cuneta at Alden Richards ng Cineko Productions.

May mga nagtatanong bakit hindi raw si Sharon ang nag-best actress? Marami rin ang gustong siya ang manalo. Pero hindi isyu ito sa Megastar.

Maganda ang vibes ng halos lahat, kahit may ilang nagni-nega. Sana maipagpatuloy ang lakas sa takilya ng mga pelikula natin kahit hindi na sa MMFF.

New shows ng GMA, ipapakita sa countdown

Masaya ang tsika sa amin ng Senior Vice President for GMA Network na si Atty. Annette Gozon-Valdes nung nakaraang awards night ng MMFF na pinaghahandaan na raw ang GMA Kapuso Countdown 2024 na gaganapin sa SM Mall of Asia mamayang gabi na.

Natigil ito ng ilang taon dahil sa COVID restrictions, at ngayong okay na at maluwag na ang lahat, handang-handa na ang Kapuso stars sa malaking event na ito bilang pagsalubong sa 2024.

Dito na rin ipalalabas ang mga aabangan nating mga programang ng GMA 7.

Tampok mamayang gabi ang Kapuso stars na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Christian Bautista, Sanya Lopez, Ken Chan, Rita Daniela, Andrea Torres at Michelle Dee.

Sa mga gustong manood sa live show nito sa SM MOA, magbubukas ang gate ng 4:30 ng hapon, kaya mabuting agahan n’yo na para makahanap ng magandang puwesto.

Show comments