MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Film Festival (MMFF) ang kinalabasan ng pagsisimula ng pista ngayong 2023, bagay na hudyat daw ng mainit na pagtangkilik ng publiko sa mga pelikulang kalahok.
Ayon kay Don Artes, concurrent chairperson ng MMFF at acting chairperson ng MMDA, positibo ang itinatakbo sa ngayon ng film festival sa takilya. Gayunpaman, wala siyang ibinigay na espisipikong datos pagdating sa kita.
Related Stories
"Bukod sa mahahabang pila sa mga sinehan simula pa noong Disyembre 25, mas malaki ang kinita sa unang araw ng film festival ngayong taon kumpara sa bentahan ng ticket sa unang araw noong 2022," ani Artes sa isang pahayag, Miyerkules.
Aniya, pagpapatunay daw itong "de kalidad" ang 10 film entries, bagay na nakatutulong sa pagbalik ng sigla ng publiko sa panonood sa mga sinehan.
Fake news naman aniya ang mga kumakalat na impormasyon sa internet kaugnay ng mga kinita ng bawat pelikula.
"Ang MMFF ay walang inilalabas na anumang uri ng ranking o kinita ng bawat pelikula para maiwasan na maapektuhan o maimpluwensyahan ang desisyon ng manonood," dagdag ng pamunuan ng MMDA at MMFF.
"Nais ng pamunuan ng MMFF na makapagbigay ng pantay na exposure, spotlight, at suporta sa bawat pelikula."
Tampok sa 2023 MMFF ang mga sumusunod na pelikula ngayong taon: "Family of Two," "Kampon," "Penduko," "Rewind," Becky & Badette," "Broken Hearts Trip," Firefly," "GomBurZa," "Mallari," at "When I Met You In Tokyo."
Nakatakda naman ang Gabi ng Parangal o Awards Night ng 2023 MMFF sa New Frontier Theater sa Quezon City ngayong ika-27 ng Disyembre.
Patuloy na ipapalabas ang mga naturang pelikula hanggang ika-7 ng Enero, 2024.
Matatandaang isinara ang ilang mayor na kalsada sa Caloocan, Malabon, Navotas and Valenzuela area nitong ika-16 ng Disyembre para sa "Parade of the Stars." Ito ang unang beses na umikot ang parada sa CAMANAVA area.