Ate Vi, na-scam din!
Masaya at ang dami naming nalamang kuwentong hindi pa napapag-usapan noon nang nakatsikahan namin nung Miyerkules sina Vilma Santos at Christopher de Leon sa PEP Live kasama ang mga ka-Troika kong sina Noel Ferrer at Jerry Olea.
Pinagbigyan kami ng pinakamatibay na loveteam na sina Vi at Boyet at talagang sinagot nila ang iba pang isyung gusto naming malaman.
Nabanggit kasi ang movie production at sinabi ni Ate Vi na gusto sana niya mag-produce uli kahit maliit na pelikula lang.
Pero marami pa siyang commitments pagkatapos nitong When I Met You In Tokyo, kaya sa acting muna siya naka-focus ngayon.
Kaya nag-segue na kami ng tanong tungkol sa naririnig naming kuwentong bahagi raw sa production ng Mentorque Productions ang asawa niyang si Cong. Ralph Recto.
Hindi naman ito itinanggi ni Ate Vi. “Nag-share lang siya sa korporasyon. Nagbigay lang siya pero hindi siya yung 100% nag-produce.”
Ang nakapronta kasi sa Mentorque ay si Bryan Diamante na dating nagtatrabaho sa mag-asawang Cong. Ralph at Ate Vi.
Samantala, nangako sina Vi at Boyet na dadalo sila sa awards night ng MMFF sa Dec. 27 na gaganapin sa New Frontier Theater. Ayaw na nilang umasa ng Best Actor at Best Actress award.
Sabi ni Boyet mas gusto nilang manalo sa iba pang categories dahil maganda naman daw talaga lahat na aspeto sa pelikula nilang When I Met You In Tokyo.
Nag-throwback kami sa mga nakaraang MMFF na kung saan naging kontrobersyal ang pagkapanalo niyang Best Actress at nakuha ang halos lahat na awards ng pelikula niyang Burlesk Queen.
Pero nagulat kami sa isang rebelasyon ni Ate Vi na nabiktima rin pala siya sa tipong scam sa awards night na kung saan ay pinalitan ang winner sa Best Actress na dapat ay siya ang nanalo.
Ang kuwento ni Ate Vi, “Meron akong inantenan na isang awards night. At may nagsabi sa akin na VIi, ikaw ang Best Actress. If I’m not mistaken, it was Dindo Fernando who announced it.
“Bagong panganak ako kay Lucky nu’n, kasama ko pa nu’n si Eduardo (Edu Manzano) sa awards night. Akala ko ako, pero iba ‘yung nanalo. Tapos pagdaan sa akin ni Dindo Fernando, inabot niya ‘yung papel sa akin. Ang nakalagay dun sa papel, Vilma Santos pero naka-erase.
“I mean nangyayari ‘yan. So, ano ‘yan, natuto na ako.”
Hindi na namin siya napilit kung sino ‘yung ipinanalo sa award-giving body na ‘yun. Sobrang tagal na raw ‘yun.
Kaya bago pa ‘yang MMFF scam na kinasangkutan noon ni Manay Lolit Solis, meron na palang nagaganap na scam sa mga awards night at napuruhan nga roon si Ate Vi.
Ice at Liza, napasubo sa The Voice USA singer!
Seryoso na ang mag-asawang Ice Seguerra at Liza Diño sa kumpanya nilang Fire and Ice kung saan nagpu-produce sila ng concerts at gumawa na rin ng iba’t ibang content.
Pero ang wala pa sana sa plano nila ang mag-handle ng bagong talents.
Pero biglang pumasok ang dating taga-The Voice USA na si Ryan Gallagher na gustung-gusto nang ipagpatuloy ang kanyang singing career dito sa Pilipinas.
Nakatrabaho ni Ryan si Ice at bumilib ito sa galing ni Ryan at ang nakakatuwa pa, ang galing din niyang kumanta ng Tagalog song.
Kaya biglang napasubo na sina Liza na i-handle si Ryan. “Kasama sa plan ‘yun ng Fire and Ice, pero in the next two years,” natatawang pakli ni Liza nang magpa-intimate presscon siya para kay Ryan Gallagher na ginanap sa Aromata bar sa Quezon City.
Nakatrabaho na rin ni Ryan ang iba pang Pinoy artists kagaya nina Lea Salonga, Martin Nievera, Mark Bautista at siyempre si Ice.
Nagpasiklab si Ryan ng Tagalog song at ang galing niya sa Kahit Isang Saglit na kanta ni Martin Nievera.
Naka-dalawang Pasko na raw siya rito at sobrang na-enjoy niya ang Paskong Pinoy.
May mga nakaplano na ang Fire and Ice para kay Ryan na gigs.
May plano rin sila sa darating na Valentine’s Day. “We’re cooking up a Valentine show. ‘Yun ‘yung next... baka Feb. 16 or 17. We’re trying to close,” sabi pa ni Liza.
- Latest