MANILA, Philippines — Isang malutong na halakhak ang kaagad na reaksyon ni Cherry Pie Picache nang tanungin namin kung malamig ba ang Pasko niya ngayon.
Napagbigyan kami ni Cherry Pie na makatsikahan sandali sa nakaraang media conference ng pelikulang Firefly na entry ng GMA FIlms sa nalalapit na 49th Metro Manila Film Festival.
Kampante kaming sasagutin niya ang tungkol sa matagal nang napapabalitang hiwalayan diumano nila ni Edu Manzano.
Hindi nabanggit ang pangalan ng aktor pero nagkakaintindihan na kami kung sino ang tinutukoy sa aming usapan.
Ang sabi na lang ni Cherry Pie: “Siguro ano... ‘di ba sa edad kong ‘to ngayon, I cannot depend my happiness anymore on somebody else.
“Besides, dapat din buo ako or whatever o kumpleto ako kung magmamahal ako ‘di ba, parang ganun... uli.”
Nilinaw naman niyang okay silang dalawa dahil napanatili raw ang magandang friendship.
Hindi naman isinara ni Cherry Pie ang posibilidad na ma-in love uli.
“Pero habang wala, eh di masaya ka sa sarili mo, lalo na after ng pandemic, ‘yung self love, ‘yung hindi mo na puwedeng iasa ang kaligayahan mo o ‘yung kabuluhan mo bilang tao sa ibang tao. Nasa sa ‘yo, and you know... ako, personally, I can’t complain because you know, God has been blessing me so much.
“Tapos tayo ‘di ba? Tayo, ‘di ba wala na. Magmahalan na lang tayo, magtulungan na lang ‘di ba? We’ve learned so much from the pandemic.
So ngayon, may partner o wala... ayan na! May partner o wala, okay lang ‘di ba? Let’s be grateful,” masayang pahayag ng aktres.
Inamin naman niyang hindi ganun kadali para sa kanya ang hiwalayang ‘yun.
Napatango siya nang sinundan namin ng tanong kung nakapag-move on na siya talaga.
Faith, naiyak nang makita sa kulungan ang ama
Masaya naman ang Pasko ng Kapuso actress na si Faith Da Silva dahil finally ay nagkita na sila ng kanyang amang si Dennis Da Silva na ilang taon nang nakapiit sa Maximum security ng BuCor sa Muntinlupa.
Kasama ni Faith ang kapatid niyang kambal na si Silas na dumalaw sa kulungan sa tulong ng co-host niya sa TiktoClock na si Kim Atienza.
Medyo maluha-luha rin ngang kinuwento ito ni Kim dahil nakita raw niya kung gaano kasaya ang mag-aama nang magkita na sila.
First time nakita ng magkakapatid ang kanilang ama, kaya talagang nag-iiyakan daw silang lahat.
“So happy for healing. Merry Christmas to Faith, Silas and Dennis,” sabi ni Kuya Kim sa PEP Troika.
Kaagad namang ipinost ni Faith sa kanyang Instagram account ang memorable experience na ito sa kanya. “Thank you God for this heart warming gift this Christmas (praying emoji). Grateful for @kuyakim_atienza and General Gregorio Catapang for making this happen.”
Sabi ng ilang taong malapit kay Faith, matagal na raw talaga niyang gustong dalawin ang ama, pero talagang nagpapalakas daw muna siya ng loob.
Bukod pa riyan, kailangan din daw munang magpasintabi ni Faith sa pamilya ni Dennis na nakabantay naman sa dating aktor.