Bukod sa galing sa pag-arte, kilala rin ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa kabaitan.
Kabaitang hindi lamang sa pakikitungo sa kapwa artista kundi pati sa mga tao sa likod ng camera at maging sa kanyang mga tagahanga.
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng isang grand fans’ day ang mga tagasuporta ni Ate Vi. “Ngayon lang natuloy at timing na rin na napili sa MMFF (Metro Manila Film Festival) ang When I Met You in Tokyo,” ani Jojo Lim, presidente ng VSSI group o Vilma Santos Solid International.
Ibinahagi niya ang pakikipagsanib-puwersa ng kanyang grupo sa dalawang iba pa – ang SILVI9Silent Vilmanian at VSFFI (Vilma Santos Forever Friends International).
Napuno ng saya sa tulong ng singing at dancing production numbers, games, raffle mula sa JG Productions, Inc. ang nasabing fans day.
“My God, before the pandemic, talagang we usually do that yearly. Meron kami talagang fans day,” natutuwang sabi ni Ate Vi nang hingin ang kanyang reaksyon sa mainit pa ring pagtanggap sa kanya ng ng fans. “Kaya lang mula noong nag-pandemic at naging public servant ako, doon na medyo nag-e-every other year kasi nga hindi ako naging active sa showbiz,” dagdag niya.
Ikinuwento niya rin kung paanong nakakasalo niya sa merienda ang ilang fans bago ang congressional session. “Kung saan man ako ngayon ay utang na loob ko sa mga diehard Vilmanians ko na ‘yung iba nakasama ko nang maging senior citizen, ‘yung iba namatay na but the good thing is they’re still here. They are part of the inspiration to do and dream more para sa showbiz career ko at sa marami ko pang gustong gawin,” sabi ni Ate Vi na halatang nag-uumapaw sa pagtanaw ng utang na loob sa kanyang loyal supporters kahit na nga nag-iba na ang landscape ng showbiz.
Inspirasyon daw ang dulot ng fans ni Ate Vi sa kanya, matanda man o bata.
“Dahil nakikita ko rin ang enthusiasm at pagmamahal nila sa akin, ginaganahan tuloy ako,” aniya. “Good thing is, nandoon din ang mga millennials ko. Dahil sa vlog ko nagkakaroon na ‘ko ng mga millennials na tagahanga. Enjoy na enjoy akong makita sila na meron pang mga bata.”
Sa paglawak ng fanbase ni Ate Vi, nangako siyang itutuloy ang kanyang vlogging. “If there’s still anything that can inspire mga millennials, I will continue it in my own little way,” dagdag niya.