MANILA, Philippines — Napuno ang SM Megamall sa ginanap na premiere night nung Miyerkules ng Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin.
Ipinalabas ito sa tatlong sinehan ng SM Megamall at napuno ito ng mga tao na obviously ay mga loyalista.
Paulit-ulit na nagpapasalamat si Imelda Papin sa lahat na sumuporta na tumulong sa kanya na nabuo ang pelikulang ito.
Nilinaw na rin ng Asia’s Sentimental Songstress na walang pera na inambag sa naturang pelikula ang mga Marcos. “Wala pong binigay na pera ang pamilya Marcos. Ito po ay ginawa namin ng anak ko, at siyempre po nagpapasalamat po ako sa mga kaibigan kong tumulong sa akin.
“Kaya maraming salamat sa mga naniniwala at sa mga artista kasama namin dito. Kami pong mag-ina na si Maffi at siyempre ang pamilya namin na sumuporta, at kayo pong mga kaibigan. Kaya hindi ako nawalan ng pag-asa, at natapos po namin itong pelikula,” pahayag ni Imelda nang nakatsikahan namin pagkatapos ng screening ng pelikula.
Marami raw mga rebelasyon sa pelikulang ito nung panahong nasa Hawaii ang mga Marcos pagkatapos silang patalsikin sa Malacanang.
At nandun si Imelda Papin sa Hawaii para samahan ang dating Pangulong Ferdinand Marcos hanggang sa pumanaw.
Basta ang mensahe raw ng pelikulang ito ay pagkakaisa. “Pagmamahal, pagkakaisa at siyempre yakapan ng bawat Pilipino. Ipinakita ko sa pelikulang ito na kung may kaibigan ka na nasa ibaba, iaangat at tutulungan natin,” saad nito.
Si Claudine Barretto ang gumanap na Imelda Papin, at lalo raw niya ito nakilala. “Ang galing ng istorya niya e. Grabe ang loyalty niya talaga. Makikita mo rin na maaawa ka talaga sa mga Marcoses, ganyan. Alam mo yun.
“I told direk Gabby Ramos, sabi ko direk, I need to spend time with Imelda. Gustung-gusto ko siyang gayahin na siyang-siya talaga,” saad ni Claudine.
Kasama rin sa Loyalista... sina Alice Dixson, Gary Estrada, ER Ejercito at mismong si Imelda Papin.
Samantala, marami pang naka-line up na special screening kagaya ng sa Resorts World sa December 16, sa La Union naman sa December 17, sa Naga City naman sa December 23, sa Samar sa December 26 at sa Bohol sa December 28.
Inaayos din na na mapapanood ito sa ibang bansa.
Rita, natulog ang boses
Aminado si Rita Daniela na medyo nabago raw talaga ang boses niya pagkatapos niyang manganak.
Iyun din kasi ang sinasabi ni Regine Velasquez na meron daw talagang nabago sa kanya pagkatapos niyang iluwal si Nate.
Sabi naman ni Rita nang nakatsikahan namin sa zoom mediacon ng Queendom: Live concert, matagal daw kasing hindi siya nakakanta kaya naapektuhan daw talaga ang boses niya.
“I think nabago siya kasi tumigil ka kasing kumanta. Hindi, because you gave birth. Kasi siyempre, I stopped singing 8 months yata.
“Siyempre pag nanganak ka, siyempre as a busy nanay di ba? Everyday nag-aalaga, hindi mo naisip na kumanta, o nag-vocalize. Siyempre, parang natutulog din yung boses mo di ba? Kaya siya medyo nababago. Pero pag dumaan ka sa voice lessons uli, nag-vocalization ka ulit, mapa-practice mo, babalik siya,” pakli ni Rita.
Kaya pinaghandaan naman talaga niya itong concert ng Queendom na mapapanood na bukas ng gabi sa Newport Performing Arts Theater.
“Medyo challenging siya for me, I have to say kasi medyo pagsimula ng pagbabalik ko after giving birth, tapos biglang nagkaroon ng concert, it is challenging for me.
“May konting pagbabago. Pero alam mo naman di ba, pag may anak ka, wala naman yung pagbabago na yun, kailangan nandun pa rin tayo,” sabi pa ni Rita.
Gusto na rin daw niyang bumalik sa pag-arte dahil natapos na rin naman siyang magpa-breastfeed sa kanyang anak.
“Next year!” bulalas ni Rita.