Jane at RK, may na-check off sa bucket list!

Jane Oineza at RK Bagatsing

Simula Nov. 29 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Shake, Rattle & Roll Extreme.

Pangunahing bida sa Mukbang episode ng naturang proyekto mula sa Regal Entertainment sina Jane Oineza at RK Bagatsing. Kakaibang karanasan para sa aktres na makasamang muli ang nobyo sa isang pelikula.

Matatandaang unang nagkasama sina Jane at RK sa teleseryeng Araw Gabi noong 2018. “Kakaibang experience din kasi ‘yung una namin drama and romance. Then ‘yung second (sa pelikulang Swing) mas mature and daring. So ibang version na naman namin ito. Super na-enjoy ko ito kasi marami kaming comedy din. Eh dream din naming gumawa ng comedy together. Na-check off din sa bucket list namin ang horror and comedy,” nakangiting pahayag ni Jane.

Nananabik na ang dalaga sa magiging pagtanggap ng mga manonood sa bagong pelikula.

Para kay Jane ay mas masayang panoorin ang naturang horror movie na kasama ang mga mahal sa buhay. “Excited ako kasi ang tagal natin walang Shake, Rattle & Roll. Excited din ako na bumalik ang mga tao sa sinehan dahil iba din talaga manood ng movie inside the cinema lalo na kapag horror. ‘Yung meron kang kakapitan, kasama mo barkada mo kapag natatakot ka manood mag-isa. O isama mo ang jowa mo and make it a date. So, I’m really, really exicted,” paliwanag niya.

Mahigit dalawang taon nang magkasintahan sina Jane at RK.

Para sa aktres ay malayung-malayo ang kanilang samahan ni RK sa pelikula kumpara sa tunay na buhay.

Palagi raw nagkakaroon ng pagtatalo ang magkasintahan sa bagong horror film. “Nakakatawa nga kasi para kaming aso’t pusa dito sa movie. Lagi lang kaming nagkakasagutan, sa totoong buhay hindi,” natatawang pagtatapos ng aktres.

JM, may pangarap makatrabaho

Kamakailan ay muling pumirma ng kontrata si JM de Guzman sa ABS-CBN. Malaki ang pasasalamat ng aktor sa pamunuan ng Kapamilya network dahil sa patuloy na paniniwala sa kanyang kakayahan.

Katatapos pa lamang ng online series na Linlang kung saan tumatak ang karakter ng aktor bilang si Alex sa mga manonood. Kapag nasa mga pampublikong lugar ay pinagtitinginan umano si JM ng mga tao dahil sa proyektong pinagbidahan nila nina Kim Chiu at Paulo Avelino. “Kapag naggo-grocery ako, nakatingin sila sa akin. Napanood nila ‘yung Linlang and sobrang affected sila, nakakatuwa,” pagbabahagi ng binata.

Ngayon ay nangangarap si JM na makatrabaho ang ilan sa pinakamagaling na artista sa bansa. “Dami pa po, si Sir John Arcilla gusto ko pa siya makatrabaho. Si Coco Martin, Jericho Rosales, Baron Geisler, John Lloyd Cruz. Marami pa po ako gustong matutunan sa  mga kasama ko sa showbiz,” pagtatapos ng aktor. — Reports from JCC

Show comments