Iza, ‘di nanghinayang sa mmff

Iza
STAR/ File

Iisa lang ang panalangin ng lahat, lalo na sa mga taga-showbiz na maganda ang kalalabasan ng Nov. 29 playdate na parang mala-filmfest din ang dating.

Hindi nakapasok sa Metro Manila Film Festival 2023 ang Shake, Rattle and Roll Extreme ng Regal Entertainment at ang In His Mother’s Eyes ng 7K Entertainment, at nakuha nila ang playdate na Nov. 29.

Pero may kasabay pa sila rito na ibang foreign films, kagaya ng Silent Night na dinistribute ng Nathan Studios nina Sylvia Sanchez kasama si Lorna Tolentino, ang Asian Persuasion tampok si KC Concepcion, at ang iba pang pelikulang The Boy and The Heron at Hopeless.

Hindi naman itinatanggi ni Roselle Monteverde ng Regal na na-disappoint siya nang hindi nakapasok sa sampung entries sa MMFF ang SRR Extreme. Pero sa tingin daw niya para talaga sa Nov. 29 ang kanilang pelikula.

Sabi nga ni Iza Calzado na bida sa Glitch episode ng SRR Extreme, “I feel, it is just maybe a personal opinion, na kahit ano po ang playdate ng Shake, Rattle and Roll, meron at merong manonood. Because, as Phi (Palmos) said, malakas daw ang cultural impact ng Shake, Rattle and Roll.

“’Pag sinabi mo talagang Shake, Rattle and Roll, franchise na siya e. Kahit December, Summer, wala lang tayong Winter...pero kahit anong season po siya, anong month, meron at merong manoood. At naniniwala din kasi ako na this is God’s decision for our film. So, with grace and gratitude, I think this is is the best playdate for Shake, Rattle and Roll.

“So, sana hihingin din sana namin na tangkilikin nyo ang aming pelikula. So, wala pong panghihinayang, only gratitude at saka excitement para sa Nov. 29.”

Naging emotional din nga ang producer ng In His Mother’s Eyes na si Ms. Flor Santos, dahil sa tingin niya nababagay sana sa MMFF ang naturang pelikula.

Alam daw niyang mamahalin ng mga manonood ang pelikulang ito.

Nakikita raw ang puso sa pelikula, at hindi dahil sa anak niya ang isa sa mga bida rito na si LA Santos, tiyak na mamahalin daw ng mga tao ang mga special child na ginagampanan dito ni LA.

Sabi pa niya, “Ginawa natin ito for Metro Manila Filmfest. Lahat nagdadasal. Pero nung in-announce na hindi nakasama, masakit sa puso. Kasi, nung nakita ko ‘to before Manila filmfest entry, sabi ko, ilalaban ko si FMR (direk FM Reyes). Ilalaban ‘yung acting ni Maria, ilalaban ko ‘yung acting ni Roderick, acting talaga e.

“So, medyo na-depress ako nung hindi...pero there’s something in it.
“Ipinagdasal natin ‘to. Hinulog ng nasa taas ‘to nang napaaga ang date, kasi siguro mas marami tayong maaakap ng movie na ‘to,” sabi pa ni Flor Santos ng 7K Entertainment.

Rob, itinanggi ang bakasyon nila ni Herlene

Mariing itinanggi ni Rob Gomez na magkasama sila ni Herlene Budol na nagbakasyon sa Hong Kong nung nag-break ng taping sa Magandang Dilag.

Ipinaliwanag niyang nagyayaya raw ang co-star nilang si Muriel Lomadilla dahil doon siya magbi-birthday. Pero hindi raw siya sumama. Kasama rin daw si Angela Alarcon na kasama rin nila sa Magandang Dilag.

Natsismis sila ni Herlene, pero pinanindigan niyang magkaibigan lang daw talaga sila. “Wala po talaga. She’s a friend. She’s a great friend,” nakangiting sagot ni Rob na isa rin sa bida ng Rage episode ng SRR Extreme.

Nasa proseso kasi ngayon si Rob na sinusuyo pa ang ina ng kanyang anak na magkaayos sila lalo na at first birthday ng kanilang anak sa
Dec. 5.

Nilinaw naman niyang hindi niya itinatago ang kanyang anak, naiba lang noon ang mga pahayag niya sa mga una niyang interviews dahil nagsisimula pa lang siya noon.

Kasama rin si Rob sa bagong drama series ng GMA 7 na Lovers/Liars na magsisimula na sa Lunes, Nov. 20, pagkatapos ng Love Before Sunrise.

Show comments