MANILA, Philippines — Ongoing ang pagdinig sa kasong Estafa na isinampa ng magkasintahang Paul Salas at Mikee Quintos laban sa isang ryptocurrency group na matagal na rin pala nilang ka negosasyon. “Tuloy ang laban!” sabi ni Paul nang nakatsikahan namin sa mediacon ng Shake, Rattle and Roll Extreme.
Hindi lang maidetalye ni Paul kung saang stage na ang pagdinig, dahil mga abogado na nila ang humaharap. Siyam daw silang nag-invest na umabot ng 8M pesos ang lumabas na pera. “Siguro nandudun pa kami talaga sa verge na mas gumugulo pa. Wala pang update talaga kung mababayaran kami o hindi.
“I hope na maayos na ‘yung case kasi kami naman din nina Mikee saka ‘yung friends namin ay ayaw na namin ng gulo. Ayaw na namin patagalin pa.
“So, kung sa amin kung may desisyon na at kung may paraan na para ayusin, we are open for that naman,” saad ni Paul.
Sabi nga ni Paul na three years na raw nilang katransaksyon ito, at parang naawa na rin daw sila dahil nakita nilang nagkaproblema rin. Pero dapat naman daw na ibalik na ang na-invest nilang pera. “Kinausap na kami ng fiscal, nagkaharapan kami. Kasi actually, nagkaroon naman talaga ng business relationship dahil three years naman kasi nagi-invest sina Mikee, friends niya, three years naman din talaga.
“So, nandun ‘yung tiwala, andun ‘yung talagang relationship sa business, laging nag-uusap. So, parang ano na lang din...ako kahit papano...gulat nga ako kay Mikee, blessed din ako kay Mikee dahil imbes na magalit, naawa pa kami,” dagdag niyang pahayag.
Malaking lesson daw itong nangyari sa kanila, na dapat talaga mag-ingat din sa mga pinapasok na negosyo, kagaya nitong sa cryptocurrency. “So, alam ko sa panahon ngayon ang dami ring nasa-scam no? Siguro, wake up call na rin sa atin lahat na bago magdesisyon, ipag-pray muna natin, pag-isipan nating mabuti, because hard-earned money natin yun e. Hindi naman yun ganun kadaling kitain,” sambit ni Paul.
Thankful lang si Paul dahil ang dami naman daw nilang trabaho at kahit si Mikee ay tuluy-tuloy din ang mga project. Kaya sinasabihan na lang daw niya ng girlfriend na sa trabaho na lang sila mag-focus. “Hindi ko na masyadong pinagkakaabalahan po. Kumbaga, kung mangyari, ipag-pray ko na lang si Lord na ang bahala,” sabi pa ni Paul.
Samantala, excited si Paul dito sa Shake, Rattle and Roll Extreme dahil ang laki raw ng utang na loob niya sa pelikulang ito na kung saan dito siya nagsimulang mag-artista nung 7 years old pa lang siya.
Naging bahagi siya noon ng Aquarium episode ng Shake...kasama pa raw niya doon sina Ara Mina at Ogie Alcasid. “Dun po proud na proud ‘yung family ko. ‘Yun ‘yung time na nag-start ako mag-showbiz, nanalo akong Best Child Actor.
“So, sabi ko, Thank You Lord for this new opportunity na maibigay ko naman ‘yung kakaibang Paul naman. ‘Yung mature na nag-grow na sa acting career ko,” pakli pa ng Kapuso actor.
Si Paul ay nasa Mukbang episode ng SRR Extreme na dinirek ni Jerrold Tarog.
Mapapanood na ito sa November 29.
Jhassy, nakatikim ng sampal kina Tonton, Matet at Gladys
Pinuri ng mga miyembro ng media si Jhassy Busran na bida sa pelikulang Unspoken Letters ng Utmost Creatives na humarap siya sa media nung Linggo bilang pagsisimula ng promo ng naturang pelikula dahil magsu-showing na ito sa mga sinehan sa December 13.
Makakasama ni Jhassy dito sina Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Gladys Reyes, Simon Ibarra, Matet de Leon, Christine Samson, at Orlando Sol.
Sa teaser pa lang ng pelikula nakita na ang mga matinding hirap na pinagdaanan niya, bilang isang may mental condition. Nakatikim siya ng sampal kina Tonton, Matet at Gladys.
Pero hindi raw niya makalimutan ang eksena nila ni Gladys na pinagsasampal siya. “Masakit po ‘yung sampal sa akin ni Ate Gladys, pero okay din po para naarte ko talaga na nasaktan ako, at nagustuhan naman ni direk ‘yung reaction dun as si Felipa ha? Si Felipa po ang nasaktan dun,” pakli ni Jhassy na gumaganap bilang si Felipa.
Naiyak daw siya as Felipa, pero ang nagulat daw siya nung pagkatapos ng take, at pinanood nila ‘yung eksena sa monitor, nakita raw niyang naiyak si Gladys. “Kasi po, parang na-guilty po yata siya na ginawa niya iyun sa eksena, kasi di ba po may brother siya na parang may ganun pong case,” sabi pa ni Jhassy.
Nasa Autism Spectrum Disorder ang kapatid ni Gladys, at sa katunayan, tinanggap niya ito para sa kapatid niya.
Pagkatapos, pinagsasampal pala niya ang karakter dito na may ganung kaso. Kaya parang ‘di raw maatim ni Gladys na ginawa niya iyun.
Sa totoo lang si Gladys ang isa sa magaling sa pelikulang ito.
Ang Unspoken Letters ay sinulat at dinirek ni Gat Alaman kasama sina Paolo Bertola at Andy Andico.