Nagsimula si Kaori Oinuma bilang isa sa mga housemate ng Pinoy Big Brother Otso edition noong 2018. Mula noon ay naging aktibo na sa show business ang dalaga. Kasalukuyang nagtatrabaho bilang caregiver sa Japan ang ina ni Kaori. Nangangarap ang aktres na mapauwi at makasama na sa Pilipinas ang ina. “Ang (pangarap) ko talaga ay mapauwi ang nanay ko dito sa Pinas. Hindi ko pa nararating ‘yon pero kahit paano meron na ako natupad na pangarap which was sa probinsya namin nakabili na rin ako ng lupa. Nakabili na rin ako ng sasakyan para sa pamilya ko. Ang sarap lang sa feeling. Hindi ko ini-expect na darating ako sa ganitong point na mabibili ko siya at the age of 23. Ngayong artista na, ang dami pa ring pangarap. Nando’n pa rin ‘yung pinaka-number one na mapauwi ang nanay ko dito,” pagbabahagi ni Kaori sa YouTube channel ni Karen Davila.
Talagang nasaksihan ng dalaga kung gaano kahirap ang trabaho ng ina sa Japan. Mismong si Kaori ay nasubukan din noon na maging isang caregiver. Ayon sa aktres ay napakalaking sakripisyo ang lahat nang ginagawa ng ina upang mabigyan sila magandang buhay. “Proud ako kay mama sobra. Nakita ko gaano siya maghirap araw-araw. Araw-araw akong nabibilib sa kanya. Lalo na ngayon sobra ko siyang na-appreciate dahil wala siyang kasama do’n ngayon. Siya lang mag-isa. No’n parang sa isang buwan kasi meron silang anim na rest day pero minsan parang hindi ko siya nakikitang nagre-rest day. Kasi kailangan naming mag-ipon para makauwi ng Pinas kapag summer break. Meron ding moments na parang naghahanap din si mama ng ibang work sa factory para makadagdag lang din, sa mga gastusin namin,” kwento niya.
Nagsusumikap umano nang husto si Kaori sa lahat ng ginagawang trabaho upang makatulong sa pamilya. “Sobrang nagpapasalamat ako na hinayaan niya akong matupad ang pangarap ko para sa amin ding lahat. And kung ano man ‘yung meron ako ngayon, kung ano man ‘yung napupundar ko ngayon, lahat ‘yon sa kanila. Ako na lang magtatrabaho, ako naman,” makahulugang pagtatapos ng aktres.
Ronnie, marami ang binagong buhay
Patuloy na tumutulong si Ronnie Liang upang maipaopera ang mga batang mayroong lip and cleft palate sa pamamagitan ng Project Ngiti Foundation, Inc. Noong isang taon lamang nagsimula ang naturang foundation. Ngayong taon ay nasa isang libong mga bata ang nakatakdang tulungan ng foundation sa pangunguna ni Ronnie. “Our foundation is dedicated to providing these children with complimentary surgeries, inclusive of transportation and essential post-operative medication. We have established partnerships with hospitals where consultations precede the surgical procedures,” paglalahad ni Ronnie.
Matatandaang ang singer ang nagpasikat ng kantang Ngiti na nagsilbi ring inspirasyon sa kanyang ginagawang pagtulong sa mga batang mayroong kondisyon katulad ng lip at cleft palete. “Hindi ko naman akalain na maraming buhay na mababago dahil sa song na ito. It was just a song. At ngayon, isa na itong foundation na nagbibigay ng ngiti sa mga batang mayroong lip and cleft palete. With each smile we bring to the faces of these children, we convey our shared belief that together, we can conquer challenges and shape a brighter future,” nakangiting pahayag ng binata. (Reports from JCC)