Muling pumirma ng eksklusibong kontrata si Regine Velasquez sa ABS-CBN noong Biyernes.
Lubos ang pasasalamat ng Asia’s Songbird dahil sa patuloy na pagtitiwala ng Kapamilya network sa kanyang mga ginagawang proyekto. “I’m just really, really thankful. I’m still here and I just want to continue to do well. Ngayon kasi mas kumakanta ako, kasi ‘yon ‘yung gusto ko gawin. Now I just want to concentrate on singing doing concerts. I love doing ASAP, variety show. Although, pangarap ko pa ring maging bold star, hindi man lang sexy star, bold star,” natatawang bungad ni Regine.
Bukod sa ASAP Natin ‘To ay araw-araw ding napapanood ang Asia’s Songbird bilang isa sa mga host ng Magandang Buhay.
Matatandaang lumipat si Regine sa ABS-CBN noong 2018. Sa loob ng mahigit limang taon ay marami na ring pagsubok ang nalampasan ng singer-actress bilang isang Kapamilya. “Even up to now, we still struggle, pero kahit na nakikita kong meron pa ring gano’n, we still do our best to serve the people the best way we can. Sa akin, palakpak ako sa mga boss kasi iba rin kayo ha. Kahit alam kong hirap kayo, you’re still doing your best so you can provide jobs for all of us. That’s a big thing for me,” makahulugang paglalahad niya.
Nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN noong 2020. Naniniwala umano si Regine na kailangang makaranas ng mga pagsubok paminsan-minsan upang mas maging matibay ang samahan ng isang pamilya. “Sometimes we have to go through stuff like this para mas ma-appreciate natin kung anong meron tayo and for us to grow more as a family. Kasi mas lalo mo ngayong nararamdaman ‘yung Kapamilya,” dagdag pa ng Asia’s Songbird.
Bea, nilinaw ang pagiging spanish citizen
Kasalukuyang naglilibot ngayon sa Europe si Bea Alonzo upang makapagbakasyon kasama ang kasintahang si Dominic Roque. Naibahagi ng aktres sa kanyang YouTube channel ang tungkol sa bagong apartment na kanyang nabili sa Madrid, Spain.
Ayon sa aktres ay Mayo noong isang taon lamang niya nabili ang bagong naipundar sa Espanya.
Pinangarap daw talaga ni Bea na magkaroon ng property sa Spain kaya nagtingin-tingin muna ng mga apartment online. “I love Spain. Because of the pandemic, naisip ko na you only live once. So, I have to go for it. This past year, I have been looking for an apartment. Nag-umpisa lang iyan sa pagtingin-tingin sa internet. ‘Kaya ko ba? Kaya ba ng budget ko? Nakakatakot ba? Ano ba ‘yung mga rules? Mahirap ba?’” kwento ng dalaga.
Nilinaw naman ni Bea na hindi magiging Spanish ang kanyang citizenship kahit mayroon ng sariling bahay sa Madrid. “If you have a Golden Visa, instantly you will become a resident. Kung magwo-worry kayo kung magiging Spanish citizen na ako, nope,” pagtatapos ng aktres. — Reports from JCC