MANILA, Philippines — Nag-give way ang mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa grupo ng SPEEd o Society of Philippine Entertainment Editors kaya hindi na sila magsasabay sa pamamahagi ng awards.
Sa Nov. 26 na ang Eddys Awards ng SPEEd na gaganapin sa Aliw Theater, na ‘yun din dapat ang sa Gawad Urian.
Pero napakiusapan si Butch Francisco ng presidente ng SPEEd na si Eugene Asis at ng producer ng Eddys na si Ms. Tess Celestino, at pumayag naman agad.
Sabi sa akin ni Butch, ilang beses na raw silang nagkumpare ni Kuya Eugene at si Tita Tess naman ay isang sutsot lang daw sa kanya, kaagad daw siyang susunod.
Kaya na-move ang Gawad Urian sa Nov. 30 na gaganapin sa UP Theater.
Kaabang-abang itong dalawang award-giving bodies na kikilalanin ang mga mahuhusay na pelikulang ipinalabas nung nakaraang taon.
Pero kapansin-pansin na kasama sa mga nominado ng Urian ang pelikulang Nocebo na napanood a Netflix at Plan 75 na isang Japanese film.
‘Yun pala may Pinoy sa producers ng dalawang foreign films kaya isinama ito ng mga Manunuri. Pero hindi ito isa sa mga interesadong inaabangan ko.
Curious ako kung dadalo itong isa sa mga nominado sa isa sa dalawang award-giving bodies na ito.
Nahaharap pala itong nominadong personalidad sa isang mabigat na kaso na isinampa ng isang kilalang male personality.
Hindi ako sure kung anong kaso, pero nakipagrelasyon itong si personalidad sa isang aktres na damay rin sa kaso.
Tahimik lang itong si male personality dahil ayaw niyang pagpiyestahan ang kaso nila.
Pero sa pagkakaalam ko, umuusad na ang kaso at baka isa sa mga araw na ito ay magulat na lang tayo, lalabas na ang desisyon ng korte.
Tahimik ang lahat na taong involved, pero lalabas at lalabas din naman ito kapag may resulta na.
Vice, nanabon ng alaga
Wala man pelikulang pang-Metro Manila Film Festival si Vice Ganda, malamang na susuportahan niya itong filmfest ngayong Pasko, dahil may pelikula ang isa sa mga alaga niya, si Petite na kasali sa MMFF entry na Broken Hearts Trip.
Under pala sa management ni Vice Ganda si Petite na siyang pumirma sa kontrata ng komedyante para sa pelikulang ito. Nung 2021 pa raw siya mina-manage ng Unkabogable star.
Sabi ni Petite sa nakaraang mediacon ng Broken Hearts Trip, hindi raw kaagad tinanggap ni Vice Ganda ang pelikulang ito dahil sa mga pinapagawa sa komedyante.“’Yung management po namin ang pinakahuling pumirma sa kontrata kasi si Meme, sobrang hands on talaga siya. Hangga’t hindi pa na-release ‘yung buong detalye ng script, pinapadala sa kanya.
“So, siya ang nagsabi na ‘o tatalon ka sa falls, itutulak ka sa bangin, ilulubog ka sa dagat, kaya mo ba? Sabi ko, kaya ko. Okay! Saka lang niya pinirmahan. Ganun siya.
“Sa akin, para ito kay Meme, kasi sobrang tiwala niya sa akin.”
Bukod kay Petite, nasa management team na rin pala ni Vice Ganda sina Ate Girl Jackie Gonzaga, Zeus Collins, Ion Perez at si Awra Briguela. “May opisina po kami at doon pinag-uusapan ang mga bagay-bagay,” sabi pa ni Petite.
Behaved daw siya na talent, dahil pagkatapos ng trabaho ay uwi na raw siya. “Hindi kasi ako palalabas. Ako ‘yung taong after work, uwi na. Usually, ako ‘yung work, church, bahay,” pakli pa niya.
Kaya hindi naman siya nagbibigay ng sakit ng ulo sa kanyang manager.
Tinitiyak daw ni Vice Ganda na madisiplina sila, kaya malamang na nakatikim nang bonggang-bongga si Awra. Pero sabi ni Petite, kapag may nagawang kasalanan, tiyak na nasasabon ito ng manager nila, pero hindi raw pinapahiya sa maraming tao. Kinakausap daw niya ng silang dalawa lang.
“Nananabon siya, pero dinidisiplina niya kami. Pinagsasabihan niya kami, ‘ano ‘yung mga ginagawa mo? Hindi ka niya pinapahiya, pinagsasabihan ka niya na kayo kayo lang, walang ibang tao,” sabi ni Petite.
Hindi raw niya alam kung ano na ang nangyari sa kaso ni Awra, dahil hindi naman daw siya nagtatanong o nakikialam.
Paalis daw siya ng Amerika pagkatapos ng presscon ng Broken Hearts Trip. Kaya nagpaalam na raw siya kay Vice Ganda.