Christian, ‘di kinakaya ng konsensya ang panlalait sa acting ni Anji
Nakini-kinita naming sisikat nang bonggang-bongga ang produkto ng PBB na si Anji Salvacion dahil tila naging malaking isyu ang pag-arte niya sa suspense-drama na Linlang sa Amazon Prime.
Ang daming nagbigay ng komento sa social media, at ang iba ay ang titindi pa ng mga sinasabi nila sa baguhang aktres.
Umiinit daw ang ulo nila kapag isinisingit ang eksena nito kasama ang baguhan din at produkto ng Pinoy Idol na si Kice So.
Ipinagtanggol si Anji ng co-actor niya rito si Kaila Estrada, na sobrang pinuri naman bilang isa ring baguhan.
Pero marami ang pumik-ap sa ipinost ni Christian Bables sa kanyang X account na kung saan ay ipinagtanggol niya si Anji.
Isa ito sa tinanong kay Christian nang humarap siya sa media sa nakaraang media conference ng Metro Manila Film Festival entry nilang Broken Hearts Trip ng BMC Films at Smart Films na dinirek ni Lem Lorca.
Sabi ni Christian, sobrang fan siya ng Linlang at talagang sinusubaybayan niya ito.
Naniniwala si Christian na dapat ding sabihin kay Anji kung ano ang dapat o tamang gawin, pero sana huwag naman daw ‘yung mga mapanakit na mga salita.
“I personally do not know Anji, I am not in anyway connected to her, but I just really felt the need to speak up and somehow use my platform to give her some words of encouragement.
“Kasi, parang hindi po kakayanin ng konsensya ko na madurog ‘yung dreams nung bata dahil dun sa mga hurtful and hateful comments nanatatanggap niya halos araw-araw. When in fact, she can still improve,” sabi pa ni Christian.
Nagsimula si Christian na magaling na talaga at talagang pinuri siya sa mga unang pelikula niya.
Marami rin ang mga bano pa rin talaga umarte nung nagsimula sila, pero bakit itong kay Anji, tila sobra silang involved at mabuti na lang nandiyan ang fans niya na nagtatanggol sa kanya.
Broken... director sinagot ang mga panlalait
Hindi nakaligtas sa intriga itong MMFF entry na Broken Hearts Trip na ikinagulat ng karamihan, dahil hindi inaakalang pasok ito.
Pang-MMFF ba ang ganitong tipo ng pelikula?
May intriga pang malakas daw at may kapit daw sa gobyerno ang producer nito, kaya nakapasok.
Kahit ang buong team ng pelikulang ito ay nagulat din na nakapasok sila.
Kaya nag-react si direk Lem Lorca sa mga nagkukuwestiyon bakit nakapasok sa 10 entries ang pelikulang ito.
“Parang ayoko naman i-discredit ‘yung nagawa na trabaho ng mga tao. I believe na nakapasok siya because of the merits of the film. Ahhh, mahuhusay ‘yung mga artista ko. They have the track record especially si Christian nga every year nananalo... sa magandang track records niya sa MMFF. Ang writer namin, just won sa Venezuela ng writing for Siglo sa last movie namin.
“So, I have to give credit to the people behind camera and nasa harapan ng camera na...I think we’ve given more 100 percent of our time and talent here na feeling ko deserved nilang makapasok sa MMFF,” ani Direk Lem.
Bukod kay Christian Bables ay kasama rin sa pelikulang ito sina Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina, at direk Andoy Ranay. May special participation dito si Ms. Jaclyn Jose.
- Latest