Seth, ipinagyayabang ang pinapagawang bahay

Seth Fedelin

Noong Biyernes ay muling pumirma ng kontrata si Seth Fedelin sa ABS-CBN.

Malaki ang pasasalamat ng aktor sa pamunuan Kapamilya network dahil sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan.

Matatandaang naging matagumpay ang pagganap ni Seth bilang si Nico sa Dirty Linen na nagtapos kamakailan.

Napapanood din ngayon ang binata bilang si Oca sa Fractured na mapapanood sa iWantTFC. Nasubukan din ni Seth na maging host sa It’s Your Lucky Day na napanood sa loob ng dalawang linggo. “No’ng day 1 namin kinakabahan talaga ako. ‘Di ko alam ano gagawin ko at thankful ako dahil ‘yung mga kasama namin sa It’s Your Lucky Day sobrang welcoming at gina-guide kami. Sina kuya Luis (Manzano), Kuya Robi (Domingo), Ate Melai (Cantiveros) at Ate Jennica (Garcia),” nakangiting pahayag ni Seth.

Sa loob ng limang taong aktibo sa show business ay marami nang naipundar ang binata para sa pamilya. Bukod sa mga sasakyan at farm sa Cavite ay nagpapagawa na ngayon si Seth ng bagong bahay para sa kanyang mga mahal sa buhay. “Pinapagawa ko ‘yung bahay ng parents ko and ang sarap lang sa pakiramdam. Iyayabang ko lang po ah, 21 (years old) ako at nabigyan ko ng bahay ‘yung mga magulang ko. Kahit anong mangyari makakatulog sila, makakapagpahinga nang maayos. Dahil ‘yon sa ABS-CBN at siyempre sa mga boss natin na nagtiwala talaga sa akin. Nakikitaan nila ako ng pagsusumikap siguro,” pagbabahagi ng aktor.

Isang bagong proyekto ang pinaghahandaan at muling pagtatambalan nina Seth at Francine Diaz. “Meron pong aabangan siyempre po sa amin ng FranSeth pero ‘di ko pa pwedeng sabihin ngayon,” pagtatapos ng binata.

Kyle, nagpapaborta para sa pelikula nila ni Piolo

Masaya si Kyle Echarri dahil natupad na ang pinapangarap lamang noon na magampanan ang isang kakaibang karakter.

Magbibida sina Piolo Pascual at Kyle sa pelikulang The Ride na aksyon ang tema. “We did a movie recently under Spring Films and Cornerstone Studios. I have another project na isa din sa pangarap ko that’s coming soon. It’s under ABS-CBN. I can’t say too much about it. ‘Di naman sa ‘di ko pa ginagawa pero what I’ve been doing recently na gusto ko talaga. I mean every kid’s dream was always to do action. For ABS-CBN to really trust me in that way, I’m blessed and very excited kasi marami naka-line up ngayon. May drama pa rin kahit paano pero action gusto kong pasukin,” paglalahad ni Kyle.

Bilang paghahanda sa proyektong aksyon ang tema ay kinailangan daw ng aktor na magpalaki ng katawan. “Kailangan ko mag-gym sa next role ko. Medyo pinasukan ko na po ‘yung gano’ng roles ngayon, na kailangan po magpaborta minsan. Marami pong naka-schedule na workshops. It’s always good to do workshops and fix your tools,” giit niya.

Bukod sa acting projects ay hindi rin napapabayaan ni Kyle ang kanyang pagkanta. Isang bagong album ang pinaghahandaan na ngayon ng actor-singer. “I’m working on an album. I hope to release it next year. I can’t say when next year kasi di pa tayo sigurado do’n dahil sa scheduling. May sinusulat pa akong mga kanta. Eight years na po ako sa showbiz at ‘yung Kylenatics ko hindi pa rin ako iniiwan. Maraming salamat sa inyong lahat. Pinapangako ko sa inyo na gagawin ko lahat para mapasaya kayo,” pahayag ng aktor. — Reports from JCC

Show comments