Nakabangon na si Janus del Prado.
Literal na pinatumba ang kanyang finances noong nakaraang pandemya.
Hindi niya ‘yun napaghandaan kaya naman talagang sumadsad siya at tinulungan ng ilang kaibigan.
Sa kasalukuyan ay abala na ulit siya sa trabaho. Kabilang siya sa action drama series ng GMA 7 na Black Rider na pinagbibidahan nina Ruru Madrid and Yassi Pressman na mag-uumpisang mapanood sa Nov. 6 after 24 Oras. “Noong pandemic, lahat naman ata ng tao nung pandemic, nagkaproblema,” umpisa ni Janus.
So ngayon okay ka na? “Hindi ko naman masasabi na mayaman na ako pero stable na, tapos ayoko sabihing maganda ‘yung ginawa ng pandemic eh pero marami akong natutunan nung pandemic.
“Kasi natuto ako na kailangan mo ng emergency fund. ‘Di mo alam kung kelan mangyayari, kahit hindi pandemic what if mawalan ka ng show ‘di ba. Biglang mag-end ‘yung show. Hindi mo alam eh,” pag-alala ni Janus na buddy ni Ruru sa Black Rider.
So may ipon ka ngayon? “Oo, as in talagang bawas na ‘yung gastos na walang katuturan na bago ka gumastos... may natutunan ako kay Chinkee Tan ata eh, bago mo bilhin ang isang bagay, isipin mo muna kung kaya mo siyang bilhin ng tatlong beses. Kung hindi mo siya kayang bilhin ng tatlong beses, huwag mo siyang bilhin.
“Kunwari motor ganon din daw. Kapag hindi mo kayang bilhin ng tatlong beses ibig sabihin wala kang enough na pera para bilhin ‘yun kasi ibig sabihin sinasagad mo ‘yung savings mo, ‘yun ‘yung sinasabi niya.
“‘Di ba ‘yung iba kunwari makapag-save ng 5 million pangbahay, uubusin nila lahat ‘yung savings pangbahay and then wala nang emergency fund,” sabi niya tungkol sa kanyang mindset pagdating sa pera sa kasalukuyan.
So ngayon ano na ang mga naipon mo? Nakabili ka na ba ng sariling bahay?
“Hindi pa, more on liquid ‘yung assets ko tinatabi ko kasi natutunan ko rin, hindi ko alam... or somewhere na ‘when in doubt, don’t’, eh I’m in doubt pa hindi ko pa alam ‘yung pinapasok ko like ‘yung mga bitcoin ‘yung mga ganyan. Hindi ko alam eh. So hindi ko siya pinapasok.
“‘Di ba ang daming mga artista ngayon na sinasabi nila na biktima sila. Eh parang ako naman ang reaction ko, hindi pa ba kayo aware sa pyramiding eh kahit may produkto ‘yan as long as kailangan mo ng down the line, pyramiding ‘yan ‘di ba. So may ganun ako lalo na kapag ano nga raw eh, easy money ‘di ba. When it’s too good to be true it’s because it is too good to be true. Mas ano ako ngayon, hindi kuripot eh kasi ano pa rin ako eh pero like kaya kong tipirin.
“Ang pinakamalaking gastos ko na in-assess ko e kotse. Hindi dahil sa mamahalin ‘yung kotse ko ah magastos magkakotse, gasoline, maintenance lahat. Nagmo-motor ako ngayon. So ‘yung motor ko ngayon hindi rin siya ‘yung mataas na cc ‘yung mabababa lang. Ang full tank ko kahit mataas na ‘yung presyo ng gasolina ngayon, 500 lang. Tumatagal na sya sa akin ng more than one week,” mahaba pang chika ni Janus na wala ring planong dumalo sa kasal nina Dominic Roque and Bea Alonzo dahil sa abroad ito gaganapin at nagtitipid siya.
Kumusta lovelife mo? “Wala kasi ‘yun nga nakakapagod din.”
Kelan pa ‘yan? “Last ko 2018. Doon nag-break, 2018.”
Ngayon wala kang planong mag-jowa? “Wala kasi hindi ako naniniwala doon sa ano eh, ‘yung mga sinasabi nila na, mag-asawa ka na, mag-anak ka na kasi walang mag-aalaga sa’yo pagtanda mo. Lagi kong sinasabi sa kanila with all due respect, hindi ‘yun ‘yung dahilan para mag-asawa ka’t mag-anak kasi hindi sila investment or assurance na kapag tumanda ka may mag-aalaga sa’yo. Ang dami kong kilalang may mga anak pinagpapasahan ‘yung magulang nung tumanda. Gawin mo magpayaman ka para pwede kang magbayad ng mag-aalaga sa’yo.”
So ‘yun ‘yung ginagawa mo nagpapayaman ka imbis na maghanap ng jowa? “Iyon talaga ang goal ko, I mean hindi masamang after pandemic hindi pa rin natutunan ng mga tao na dapat silang mag-ipon, na itrato nila ‘yung emergency fund nila na parang monthly bill. Eh wala silang natutunan nung pandemic. Kasi grabe talaga ‘yun, out of the blue ‘yun biglang parang biglang na walang lalabas,” mahabang kuwento pa ni Janus.
Samantala, dahil nga sa pagmo-motor, kaya pakiramdam niya ay nakabilang siya sa Black Rider. “I think kaya nga nila ako isang kinonsider na kunin dahil nagmomotor ako eh. Medyo awkward lang kasi manual ‘yung motor ko tapos naka-scooter kami. So nakakakaba kasi ‘yung automatic eh. Hindi ako nag-a-automatic na motor eh kasi kotse manual sa’kin,” kasabay ng pasasalamat na mahaba ang role niya rito sa Black Rider.