Kamakailan ay naging panauhin namin si John Lloyd Cruz sa Fast Talk with Boy Abunda.
Dito ay naibahagi sa amin ng aktor na masaya ang lagay ng kanyang puso ngayon. Kasintahan ni John Lloyd ang artist-illustrator na si Isabel Santos. “Si Isabel ay girlfriend ko, oo or boyfriend niya ako. We’re boring people, wala kaming maikukwento, ganyan lang kami. Matagal na kaming magkakilala. Gallery nila ‘yung una kong pinasok na gallery. It was the time na bago pa lang akong tumigil with ABS-CBN. Napadpad ako sa pag-e-explore ng… (art). So, gallery nila ‘yung una kong napasok, sila ‘yung una kong nakilala, family nila. We were talking before pero hindi nag-evolve into something ideal for us at that time. Mula noon, present na rin siya sa buhay ko,” makahulugang pahayag ni John Lloyd.
Sa edad na apatnapung taong gulang ay naniniwala ang aktor na maikakasal pa rin balang araw. Nakikita umano ni John Lloyd na si Isabel na ang kanyang makakasama sa habangbuhay. “She’s very elemental sa mga ganyang bagay. Kung paano namo-mold ‘yung mga lumalabas sa bibig ko. Kung ano man ‘yung nabubuo sa isip ko. Siyempre ‘yung consideration lagi for the two of us, especially para sa kanya, laging nandoon,” giit niya.
Samantala, mahigit limang taong gulang na ang anak nina John Lloyd at Ellen Adarna na si Elias. Malaki ang pasasalamat ng aktor kina Ellen at Derek Ramsay dahil sa ginagawang pag-aalaga kay Elias. “Sobrang panalo, napakaswerte ko diyan. Ang lupit ng role niya (Elias) sa buhay ko no’ng dumating na siya. Si Elias, parang iniligtas niya ang buhay ko. Hindi ko ma-imagine ang buhay ko kung paano magtutuluy-tuloy kung di dumating ‘yang si Elias. Ang dami niyang ibinigay na bago, bagong kahulugan, bagong duties. All of a sudden, iba na ang tingin mo sa lahat. That’s a bit of a challenge. Ayaw kong i-sugarcoat, we are co-parenting. From my end siguro to simplify paano ko ba siya pinapalaki. Siguro to lead without imposing. ‘Yung gusto ko siyang tanungin at gusto kong mag-develop siya ng capacity to decide on certain things. siyempre ‘yung mga bagay na hindi pa niya kayang desisyunan, ‘yon ang role namin. Napakaswerte ko, marami diyan ‘yung similar cases kagaya ng sa akin na much lesser ‘yung time with the child, or halos no time at all. Kaya napakaswerte ko at ako ay nagpapasalamat kay Ellen at Derek dahil iniisip nila ang kapakanan ng bata,” pagdedetalye ng aktor.
Cassy at Darren, more than friends na ang status
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkatambal sina Cassy Legaspi at Darren Espanto sa pelikulang When I Met You in Tokyo. Pinagbibidahan nina Vilma Santos at Christopher de Leon ang naturang pelikula na isa sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong Kapaskuhan. “It’s our official Cass-Ren project and hoping more to come because I really love working with Darren. We owe it to our fans dahil naghintay sila for 9 years. They deserve a Cass-Ren project,” nakangiting pahayag ni Cassy.
Mag-iisang dekada nang magkakilala sina Cassy at Darren. Madalas na magkasama ang Cass-Ren kaya may bulung-bulungan na mayroon nang espesyal na namamagitan sa dalawa. “The answer is always been yes naman, sa tanong kung more than friends lang. It’s not just friends. It’s in between. Wala rin naman kaming tinatago. What you see is what you get. Kahit magulang namin minsan naguguluhan,” makahulugang pahayag ni Darren.
Umaasa ang singer-actor na hindi lamang sa Pilipinas maipalalabas ang kanilang pelikula ni Cassy. “Gusto ko lang i-share na sobrang saya ko. We’re now here. It’s finally happening. Sana not only here in the Philippines ipalabas but also in other countries,” paglalahad niya. — Reports from JCC