Nakatsikahan namin sandali si Phillip Salvador sa birthday party ni Tita Annabelle Rama nung nakaraang Miyerkules at nabanggit sa aming pumayag siyang mag-guest sa bagong action-drama series ni Ruru Madrid na Black Rider na magsisimula na sa Nov. 6, GMA Telebabad.
Sobrang proud daw siya sa Kapuso action star at Primetime Prince dahil ang layo nang narating nito sa showbiz.
Dapat daw talaga si Ruru ang deserved na manalo sa dating talent-search ng GMA 7 na Protege. Personal na pinili ni Kuya Ipe si Ruru nang magpa-audition ito.
Nakitaan daw talaga niya ng potential ang 25-year-old Kapuso actor, kaya masaya siya ma nabigyan ito ng magagandang projects ng GMA 7.
Pumayag siyang magkaroon ng cameo role sa Black Rider, bilang suporta niya kay Ruru.
Naikuwento ni Ruru sa media conference ng Black Rider na nagkita nga raw sila ni Phillip nung nagpatawag ng meeting si Sen. Robin Padilla para mapag-usapan ang Eddie Garcia Bill.
“Actually, nagkita po kami ni Tatay Ipe sa isang event. Tapos, niyakap po niya agad ako. Sinabi po niya sa akin na sobrang proud daw po siya sa akin. Ahhh, ang layo na raw ng narating, pero lagi mong tatandaan, na huwag na huwag kang magbabago,” bilin daw nito kay Ruru na naikuwento niya sa mediacon ng Black Rider.
Naalala pa raw niya ang mga ipinayo sa kanya ng mentor niya sa Protege. “Ang sabi niya sa akin, ang paggawa ng action, okay ‘yan, gawa ka nang matitinding action, matitinding fight scenes. Pero huwag na huwag mong pababayaan ‘yung puso, kung bakit ka nakikipaglaban, which is ‘yung drama.
“Si Tatay Ipe, kilala po natin na bukod sa mahusay pagdating sa fight scenes, pagdating sa pagbaril, mahusay din po siyang aktor. At isa po siya sa sobra kong tinitingala, pagdating po sa industriyang ito,” dagdag na pahayag pa ni Ruru.
Pero ang isa pa sa sobra raw niyang ikinatuwa ay nang makilala niya roon at maganda raw ang pag-istema sa kanya ng mga bigating artista na nasa public service na ngayon.
Sobrang idol daw niya si Sen. Robin Padilla na tinawag pa raw siya at ipinakilalang si Black Rider. “Nung time nang nagkita kami ni Tatay Ipe, nandun din sina Sen. Robin, nandun si Sen. Jinggoy (Estrada), Sen. Bong (Revilla), ta’s nagulat po ako, kasi hindi ko naman po ini-expect na kilala po nila ako.
“Naalala ko may kausap si Sen. Robin, and then pinalapit niya ako dun sa kausap niya. Sabi niya, ‘this is Ruru Madrid ang bagong action star ng henerasyon na to.
“So, parang nagulat ako, hindi ko alam, para akong lulubog,” patuloy na salaysay ni Ruru.
“Sinabi ko agad kay Kylie, sabi ko ‘kinilig ako dun sa sinabi ng tatay mo. Pero sinabi niya, na-appreciate daw po niya, kasi sa generation ko raw po ngayon, wala daw po masyadong naga-action. And then sabi niya, ‘ipagpatuloy mo lang ‘yan, dahil nakikita ko ‘yung galaw mo. Nakikita ko ‘yung passion mo sa pagma-martial arts at sobrang minamahal mo ito. Kaya ipagpatuloy mo,” masayang kuwento ng bida ng Black Rider.
Very memorable sa kanya ang pagtitipong ‘yun dahil doon din sila nagkakilala ni Coco Martin.
“Nagkita po kami dun sa same event. Eksakto nandun din po si Sir Coco, nilapitan ko po siya para magpakilala po ako, dahil sobrang taas po ng respeto ko sa kanya. Sobrang taas po ng paghanga ko sa kanya.
“Hindi pa po ako nag-artista, talagang nanonood na po ako ng mga teleseryeng ginagawa niya..
“Nagpakilala ako, sinabi ko, ‘Sir Coco, ako po si Ruru Madrid, galing po ako sa GMA, isang malaking karangalan po na makilala kita.’ And then ang sagot niya lang sa akin, ‘ano ka ba! Ako nga dapat magsabi niyan, malaking karangalan na makilala kita. Napapanood kita sa GMA, nakikita ko ‘yung mga ginagawa mo, yung efforts mo.
“Sabi niya, ‘ipagpatuloy mo lang yan, totoo nga niyan, naghahanda na kami, gumanun siya.
“Tapos, yumakap po siya nang mahigpit. Ang sinabi niya sa akin, ‘ipagpatuloy mo lang ‘yan, nakikita ko ang pagiging makatao mo. Tuloy mo lang ‘yan.
“Sobrang na-appreciate ko po ‘yun, dahil isa po siya sa mga tinitingala ko pong artista sa industriyang ito.”
Cheating ng Juliever, mas kumita sa streaming
Parang sa Netflix nga ang crowd ng pelikulang The Cheating Game nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
Pagkalipas ng isang araw, kaagad na nag-number one ito sa Top 10 Movies in the Philippines Today.
Suportado agad ito ng mga JulieVer fans, kagaya ng DonBelle fans na nagawa nilang iluklok sa number one sa Top 10 TV Shows in the Philippines Today ang teleserye nilang Can’t Buy Me Love.
Hindi man naging maganda ang resulta sa takilya ng pelikulang The Cheating Game, wagi naman ito sa streaming service kagaya ng Netflix.
Samantala, patuloy pa ring namamayagpag sa takilya ang pelikulang Five Breakups and a Romance nina Alden Richards at Julia Montes.
Ang tantiya ng aming reliable source, baka aabot na ito ng P50M ngayong weekend.