Isinelebrayt na sa media conference ng Metro Manila Film Festival entry ng JG Productions, Inc. na When I Met You In Tokyo ang kaarawan nina Vilma Santos at Christopher de Leon.
Sa Nov. 3 ang birthday ni Ate Vi, at si Boyet naman ay sa Oct. 31 kaya pareho silang Scorpio.
Natuwa rin silang ibinahagi na sa kuwento ng kanilang pelikula ay magkapareho raw ng birthday ang karakter na ginagampanan nila.
Pero ang sabi ni Ate Vi sa mediacon na ginanap sa Seda Hotel nung Huwebes, ang isa raw sa hiling niya sa kanyang kaarawan ay sana maibaba raw ang presyo ng ticket sa mga sinehan sa darating na Metro Manila Film Festival.
‘“Yung ibaba lang sa dati ‘yung fare ng sine, kasi hindi na lahat makakaya ‘yung 400 plus. Sana, give us naman ‘yung pagkakataon na ‘yun na even for 3 years na maibalik lang namin uli ‘yung sigla at makita lang namin uli ‘yung mahahabang pila sa sine,” pahayag ni Ate Vi.
Napag-usapan din namin ‘yan sa nakaraang birthday party ni Tita Annabelle Rama nang nakausap namin doon ni Lorna Tolentino si Sen. Bong Revilla.
Ikinuwento namin kay Sen. Bong ‘yung ginawa ng SM Cinemas na P65 ang presyo ng ticket nung nakaraang Linggo.
Palabas nu’n ang pelikulang Monster na dinistribute ng film production na pinagsamahan nina Lorna at Sylvia Sanchez.
Sabi ni LT kay Sen. Bong, dinagsa ng mga tao ang pelikula nila at maganda ang resulta sa box office ng Monster nung araw na ‘yun. At na-enjoy rin ‘yun ng ibang pelikula na showing ng araw na ‘yun.
Kaya umayon si Sen. Bong na dapat ay babaan ang presyo ng ticket sa mga sinehan.
Pero mahabang usapin ‘yan at kailangan din nila ng maayos na pag-uusap sa cinema owners.
Matagal na rin naman daw nilang napag-usapan ‘yun sa ilang Senate hearings.
Ang isa sa naisip ni Sen. Bong ay gawing buy one take one ang presyo ng ticket para mas mahikayat ang mga taong manood.
Nakapanayam din namin si direk Perci Intalan sa DZRH nung Huwebes, at bilang presidente ng Prodyuser ng Mga Pelikulang Pilipino sa Asya, Inc. o PMPPA, ito rin daw ang isang hangad at matagal na raw nilang pinag-usapan sa ilang Senate hearings at kahit sa Kongreso.
Na-discuss din daw nila ng kanilang grupo itong ginawa ng SM na P65 ang ticket sa isang araw lang.
Napaka-positive raw nito at naisip nga raw nilang magandang pag-isipan nang mabuti kung ano ang puwedeng gawin sa presyo ng ticket.
Hindi lang daw niya matiyak kung makakaya ba nating gawin ito sa darating na MMFF.
Ang naisip naman ni Cong. Dan Fernandez nang makapanayam namin siya sa nakaraang birthday party ni Tita Annabelle na gawing P200 ang presyo ng ticket sa mga sinehan. Ilang beses na rin daw nilang napag-usapan ito sa sessions nila sa Congress.
Sana nga ay magkaroon ng katuparan ang mga ganitong plano.
Ruru, makikipagtapatan ulit kay Coco
Mas matinding challenge ngayon ang haharapin ni Ruru Madrid dahil makakalaban niya uli ang malakas na teleserye ni Coco Martin. Ang Lolong niya ang katapat noon ng Ang Probinsyano na natapos din after five years.
Kaya sinasabi nga nilang ang Lolong pala ni Ruru ang makakapagtumba sa longest-running teleserye ni Coco.
Ngayon ay mas matinding hamon ito sa Kapuso Primetime Prince dahil ang malakas na Batang Quiapo ni Coco uli ang makakatapat ng Black Rider niya na magsisimula na sa GMA Telebabad sa Nov. 6.
Nung nakatsikahan namin sandali si Ruru sa premiere night ng Five Breakups and a Romance, mas excited daw siya kesa sa kaba ang nararamdaman niya. Mas mahirap daw ito kung ikumpara sa ginawa niya sa Lolong.
Ang isa pa sa excited dito ay si Phillip Salvador na may special participation pala siya sa seryeng ito. Sobrang proud si Kuya Ipe kay Ruru dahil personal niyang pinili ito para maging talent niya sa talent search na Protege noon.