Joshua, malaki ang itinalon sa Unbreak...

Joshua
STAR/ File

Malapit nang magtapos ang Unbreak My Heart na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Gabbi Garcia, Richard Yap at Joshua Garcia. Malaki ang pasasalamat ni Joshua dahil naging bahagi siya ng naturang primetime series ng GMA Network. “Napakalaki ng pasasalamat ko sa mga bossing ko na binigay nila sa akin itong trabahong ito. Matagal kong hinintay itong trabahong ito. Naipapakita ko ‘yung acting ko, ‘yung talent ko. Sobrang thankful and grateful lang na ako ‘yung kinuha nila. And sana mas marami pa na trabaho ‘yung dumating para mas mapatunayan ko pa ‘yung sarili ko,” nakangiting pahayag ni Joshua.

Para sa aktor ay ito na marahil ang pinakamahirap niyang nagawa sa isang serye kung saan ginagampanan niya ang karakter ni Lorenzo ‘Renz’ Isidro. Maituturing ni Joshua na ang Unbreak My Heart ang pinakamalaking proyekto na kanyang ginawa sa loob ng siyam na taong pananatili sa show business. “Kita naman nating lahat na sobrang ibang-iba ‘yung character ko ngayon kasi may mental problem. Ang laking pagkakaiba, ang talon nito sa career ko sa mga ginampanan kong role. Before kasi tweetums na love story. Lahat ng character ko mapagmahal sa magulang. Intense ako sa lahat, sa The Good Son and in this one,” paliwanag ng binata.

Sa susunod na proyektong gagawin ay walang partikular na aktor ang gustong makatrabaho si Joshua. “Very open ako na makatrabaho lahat. Kasi para sa akin, parang pagdami ng nakakatrabaho mong bago, dagdag growth din ‘yon. Dagdag experience tapos gagaling ako, mas matututo ako. Basta maganda ‘yung kwento and macha-challenge ako at maggo-grow ako,” giit ng aktor.

Diether, gusto nang mag-asawa

Hindi kailan man inilihim ni Diether Ocampo ang tungkol sa kanyang lalaking anak na si Dream. Kamakailan ay naging panauhin ni Korina Sanchez sa Korina Interviews ang aktor.  “Ang aking anak ay may pribadong buhay na kailangan kong irespeto dahil ‘yon ang kahilingan ng bata, na sana paglaki niya ay magawa niya ang mga gusto niyang gawin nang hindi nakahalo sa usapin o nasasangkot sa mga bagay na hindi siya parte, tulad ng mga ginagawa natin. Kailangan ko talaga siyang respetuhin,” paliwanag ni Diether.

Taong 2011 nang unang ipinakilala sa publiko ng aktor si Dream. Pitong taong gulang na noon ang anak ni Diether. Bilang isang ama ay walang ibang hinahangad ang aktor kundi mapabuti ang kalagayan ng anak na ngayon ay labingsiyam na taong gulang na. “Pag-iisip niya ay maliwanag at nahihilig siya sa management, business, finance, ‘yan ang mga hilig niya. Sa akin ‘yung may iko-contribute ko sa kanyang pagkatao ay kung paano makitungo sa kapwa-tao,” paglalahad ng aktor.

Nagbigay rin ng opinyon si Diether tungkol sa pagpapakasal. Naniniwala ang aktor na hindi para sa lahat ng tao ang pag-iisang-dibdib. “Ang kasal naman kasi hindi para sa lahat. Malaki ang respeto ko sa kasal. Lalo na sa mga kaibigan ko at kasama sa pamilya na tumatagal ang kanilang pagsasama. Hindi madali ang pagpapakasal, lalo na kung ang pamilya n’yo ay lumalaki at marami kayong mga ginagawa na minsan ay salungat nang interes. Dumarating ang panahon na minsan ay sinusubukan ang pasensya. Marami na rin akong mga kaibigan na dumaan diyan. Ako ay naging saksi, napaghingahan din ng sama ng loob at masakit na makita mong nagkagano’n sila. Ayaw kong mangyari sa akin ‘yon, natatakot ako. Pero alam ko naman na darating din ang panahon na kailangan ko rin na may katuwang. Masarap ang pakiramdam na mayroon kang maaasahan. Pag-uwi mo ay may maikukwento ka sa kanya. Importante na mayroon kang nakakausap, nagbibigay sa iyo ng motibasyon at inspirasyon. Pero sino? ‘Yon ang tanong, ang hirap ‘di ba? ‘Yon ang hindi minamadali at kung darating ay darating kung sino. Si George Clooney ay ilang taon na bago nakapagpakasal. Hindi minamadali ang mga ganyan,” makahulugang paliwanag niya.

(Reports from JCC)

Show comments