The Iron Heart ni Richard, patok ngayon sa Indonesia

MANILA, Philippines — Ang pakikipagsapalaran ni Apollo laban sa kasamaan, pinag-uusapan ngayon sa Indonesia.

Matapos ang pagtatapos sa Philippine primetime, patok naman sa Indonesian viewers ang hit action primetime serye ni Richard Gutierrez na The Iron Heart na kasalukuyang napapanood ang Bahasa Indonesian-dubbed version nito na pinamagatang Apollo sa free TV channel na ANTV.

Puring-puri ang Indonesian audience sa kabuuang kalidad nito—mula sa istorya, all-star cast, at sa maaaksyon nitong eksena na kayang makipagsabayan sa ibang international action drama.

“The show gets more exciting! Thank you, ANTV, for bringing ‘Apollo’ to us. Hoping for more Filipino shows in the future,” komento ng isang Indonesian netizen.

Dahil din sa mainit na pagtanggap sa The Iron Heart, inaraw-araw na ng ANTV ang pag-ere nito mula sa nakasanayang weekday airing schedule. Ilang masusugid na manonood ang natuwa sa naging anunsyo.

Maliban sa pag-arangkada sa Indonesia, naging usap-usapan din sa Pinas ang pagtatapos ng The Iron Heart nitong Biyernes matapos itong mag-trend sa social media at humakot ng 437,535 concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube.

Show comments