Binili ni Boss Toyo (Pinoy Pawnstars) ang isang jersey shirt ni Francis Magalona sa isang dating flight attendant na si Abigail Rait.
Pero may kuwento sa likod ng jersey na ‘yun na kung saan ibinunyag ni Abigail na nakarelasyon niya ang Master Rapper na nagkaroon sila ng isang anak na babae, at 15 years old na ito ngayon.
Ayon sa kuwento ni Abigail, taong 2006 o 2007 nagsimula ang kanilang relasyon nang magkakilala sila sa Eat Bulaga.
Nagbunga ang kanilang relasyon pero may sakit na noon si Francis hanggang sa pumanaw ito habang ipinagbubuntis pa niya noon ang kanilang anak.
Pakiramdam daw niya ay parang premonition na noon ang ginawa ni Francis na binigyan siya ng jersey.
“Gusto kong maalala mo itong jersey na ito habang suot ko, para everytime na ma-miss mo ako, you just have to wear it or hug it, or place it beside you bago ka matulog,” bahagi ng kuwento nitong si Abigail sa YouTube channel ni Boss Toyo.
Dagdag pa niyang kuwento, “So, ‘yun ‘yung story ng shirt na ‘yan na para bang… early premonition na o i-keep mo ‘yan, that’s for you, that’s for our baby. And simula nung nasa hospital siya, lagi siyang tumatawag everyday, itatapat ko ‘yung phone sa tiyan ko. Kasi nanganak ako Sept. 8, so 8 months ‘yung tiyan ko.
“Gumuho talaga ‘yung mundo ko nung time na ‘yun kasi okay kami, ang dami naming plano, tapos bigla siyang nagkasakit. Tapos ‘yung pinakamahirap na part, ‘yung situation ko.
“Hindi ka puwedeng lumabas. Ayoko namang dagdagan pa dahil may sakit na.
“That’s the story of that shirt, na we exist–me and our daughter Cheska. He personally gave it to me.”
Kasama nito ang sinasabi niyang anak nila ni Francis na mismong ang master of rap daw ang nag-suggest ng ipangalan sa baby na si Gaile Francheska.
Maganda ang bata at mukhang may hawig nga kay Francis. Mahilig din daw kumanta at sumayaw, at pinag-sample pa ito ni Boss Toyo.
Pinresyuhan ni Abigail ng P700K ang jersey na may pirma at dedication pa ng namayapang King of Rap.
Nagkatawaran sila at nagkasundo sa P500K.
Naalala ko pa nung may Startalk pa kami sa GMA 7 na nagpa-interview na itong si Abigail, pero hindi namin naere ang kuwentong ito dahil hindi kami pinayagan ni Pia Magalona na iere ang kuwentong ito, at bilang respeto na rin sa namayapang rapper.
Pero lumabas ulit ngayon at kumalat na sa social media.
As of presstime, naka-235K views na itong kuwento ng Pinoy Pawnstars na pitong oras pa lamang ito na-upload.
Hinahamon ng ibang netizens na mapa-DNA test para patunayan na hindi ito peke at totoong anak nga ito ng namayapang master rapper.
Tatlong MMFF entries, nag-tie!
Napagdesisyunan na ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival na anim na gawin nang 10 ang entries MMFF. Nag-tie raw ang nasa 4th, 5th at 6th slot.
Tanggap na nilang may mga magkukuwestiyon pa rin dahil may ilang pelikulang napu-promote na pero hindi nakapasok.
Pero sabi ni Atty. Dan Artes, ang acting Chairperson ng MMDA, iginalang nila ang desisyon ng Screening Committee.
“Meron po tayong selection committee na itinalaga,” pakli niya nang humarap siya sa ilang miyembro ng entertainment media.
“I think ‘yung entries na napili, speaks for itself. Ang pelikula naman po may kanya-kanya ‘yan e.
“Walang makapagsabi na lahat ay mapi-please ng bawat pelikula. May kanya-kanya po tayong preference.
“Ang masasabi ko lang po ay pinili po ang mga pelikulang ito base po sa criteria na atin nilatag. At fair po ang judging.
“Even po kami sa MMDA ay wala pong hand diyan. Isa lamang po kami na representative out of 8. The rest po ay taga-industriya.
“So, in terms of influence or anything, wala po kaming ganun dito,” dagdag niyang pahayag.
Sinagot na rin ni Atty. Dan ang sinasabi ng iba na dapat ay taga-film industry ang humawak ng MMFF. “Unang-una po may batas na nagma-mandate sa amin na mag-hold ng MMFF. Pangalawa po, siguro kami po may resources to hold ‘yung sa mga LGUs... ‘yan po ay binibigay dahil sa MMDA.
“Ang MMFF ay itinatakbo ng isang executive committee. At ang executive committee po, I can say na 80 percent po niyan na membership po ay taga-industriya. So, ang pagpapatakbo po ng MMFF ay wala po sa MMDA, kundi sa Execom po ng MMFF.”