MANILA, Philippines — Umani ng papuri ang TV host na si Luis Manzano matapos magpamalas ng "Inclusivity" sa persons with disability (PWD) sa bagong Kapamilya gameshow na "It's Your Lucky Day."
Ang isa kasing miyembro ng live audience na hirap makarinig, biglaang kinausap siya ng aktor gamit ang "sign language."
Related Stories
"Kasi gusto ko lahat ng 'Ka-Lucky' natin involved," paliwanag ni Luis, na kilala rin sa palayaw na Lucky, ngayong Lunes.
"May tumatawag sa akin kanina pa na Ka-Lucky natin na kung hindi ako nagkakamali ay medyo may konting problema po sa pandinig."
Nabigyan naman ng P1,000 ang lucky audience member matapos magpamalas ng talento sa pagsayaw.
Ikinatuwa naman ng netizens ang ginawa ni Luis, lalo na't bibihira ang mga marunong makipag-usap sa mga may kapansanan.
Unang nang nagbiro si Luis na ito na ang "dalawang huling linggo" ng palabas, na kadalasang naririnig kapag nagwawakas ang mga teleserye.
Pansamantalang umeere ang "It's Your Lucky Day" matapos patawan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 12 araw na suspensyon ang noontime show na "It's Showtime."
Dahil pa rin ito sa kontrobersyal na pagkain ng icing ng cake nina Vice Ganda at Ion Perez sa July 25 episode ng programa.