Fran-Seth, may kabog sa dibdib habang nagho-host

Francine Diaz at Seth Fedelin

Napapanood na ang tambalan nina Francine Diaz at Seth Fedelin sa It’s Your Lucky Day ng ABS-CBN. Malaki ang pasasalamat ng dalawa dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makapag-host sa bagong programa. “Nakakataba po ng puso kasi hindi naman po talaga ako nagho-host and para isali nila kami dito, sobrang laking bagay no’n para sa akin. Pagkatiwalaan nila kaming sumali sa noontime show,” nakangiting pahayag ni Francine.

“Sobrang nakaka-overwhelm dahil sobrang blessed at grateful ako dahil pati hosting nabibigyan ako ng opportunity na ipakita kung kaya ko mag-host. It’s a challenge din sa akin,” dagdag naman ni Seth

Kahit nakailang episode na ay aminado ang tambalang Fran-Seth na nakararamdam pa rin ng kaba sa bago nilang ginagawa.

Bilang mga aktor ay ang paggawa ng serye ang nakasanayang gawin nina Francine at Seth. “Nandoon pa rin, nawawala lang (ang kaba) kasi magaling ‘yung mga kasama namin. Lalo na si Kuya Luis (Manzano) at Ate Melai (Cantiveros). Ginagabayan nila kami everytime na nagsasabi ako sa kanila. Or kami ni Seth na, ‘Paano po ba ito? Paano ‘yung ganyan?’ Sila na po mismo ‘yung lumalapit sa amin, nagbibigay ng advice kung ano ‘yung pwede naming gawin para mas mapabuti ‘yung show,” pagbabahagi ni Francine

“Kinakabahan din ako dahil parang first time ko lang din ito mag-host ng live at noontime pa, so maraming nanonood. Sa totoo lang, sobra akong kinakabahan at tiningnan ko lang ‘yung mga kasama ko do’n na nakangiti lang sila at ngumiti din ako. Pinakita ko kung sino ako kaya happy,” pagtatapat naman ni Seth

Paul, parang nag-workout sa ginawang horror film

Huling napabilang si Paul Salas sa Shake Rattle & Roll 2K5 noong 2005. Hinding-hindi raw makalilimutan ng aktor ang naturang proyekto dahil nanalo siya ng award dito. “Six years old ako no’n so parang naglalaro-laro lang ako no’n. After Star Struck ‘yon so isa ‘yung Regal talaga na nagbigay ng tiwala sa akin. And isa rin ‘yon sa hindi ko makakalimutan pati ng pamilya ko dahil I won Best Child Actor. Hanggang ngayon naka-display (ang trophy) sa kwarto ko,” kwento ni Paul.

Ngayon ay muling nakasama ang aktor sa Mukbang episode ng Shake, Rattle & Roll Extreme na posibleng makalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival. “Parang first na rin kasi madami na rin ako na-realize, nag-grow na rin ako. Nag-reminisce ako na parang grabe, ilang years na and ngayon magpe-play ako ng role na kahit paano challenging din sa akin kasi kakaibang role din ito,” paliwanag ng binata.

Para kay Paul ay ibang-iba ang atake kapag horror ang tema ng proyekto. Nakaramdam din ng pressure ang aktor dahil isa si Jerrold Tarog sa mga direktor ng bagong pelikula. “Parang nagwo-workout ka ‘pag horror talaga. Pagpapawisang ka sa hinga mo. Tapos kailangan mo mapaniwala na nakakatakot talaga ‘yung nakikita mo. Ngayon may pressure lagi. Parang feeling ko laging nakatingin ‘yung iba. Actually, may pressure kay Direk Jerrold no’ng una, hindi ko pa siya nakilala. Sabi ko, director ‘yan ng Heneral Luna at Goyo, isa siya sa nilu-look up to ko na directors, na feeling ko never ko naman ever makakatrabaho. Tapos no’ng nakatrabaho ko siya first day on the set parang, ‘Wow!’ Napa-wow ako! Sobrang collaborative niya. As in humble lang and sobrang honored ako na nakatrabaho ko siya,” pagtatapos ng aktor. — Reports from JCC

Show comments