MANILA, Philippines — Pinag-uusapan pa rin sa social media ang pagpapalayas sa bandang Kamikazee ni Sorsogon Gov. Edwin ‘Bobby’ Hamor at hindi na pinag-perform sa nakatakda nilang concert nung Linggo, Oct. 1, sa Casiguran, Sorsogon.
Nagkalat ang video ni Gov. Hamor na nagsalita sa entablado para ipaliwanag kung bakit wala na ang Kamikazee.
Ang hinihintay ngayon ay ang statement ng naturang banda, pero wala pa silang inilabas na pahayag.
May mga naglalabasan ng kuwento tungkol diyan dahil sa naglabas ng Facebook post si Jonathan Valdez na siyang nag-coordinate ng mga bandang naka-schedule sa Kasanggayahan Festival sa Sorsogon.
“Hindi sila bumababa ng van, in my years in the business ngayon lang ako umiyak at nakikiusap na bumaba na sila for the 2-minute picture. I even told them na singilin nila ako for an additional fee for this. Muntik na akong lumuhod pero--DEADMA!
“Until lumapit na ang assistant ni Gov sa akin, ‘Jo, halika. sabihin mo na kay Gov--ayun na, they got what they deserved!
“Pinalayas sila sa Sorsogon at hindi pinasampa. FULLY PAID sila and all their requests were granted even the liquour etc...Binigay lahat and MORE!”
“Spoke to some people in the industry, isa ang common na sinasabi nila---NAKAHANAP NG KATAPAT ang KAMIKAZE”
Tiyak na nakakaapekto ito sa future bookings ng naturang banda na naiikot ang iba’t-ibang bahagi ng bansa para pagtanghalan nila.
Sylvia, tinuruan si Lorna ng galawan sa pagbebenta/ pagbili ng pelikula
Congratulations sa Nathan Studios ng pamilya nina Sylvia Sanchez at kay Lorna Tolentino sa kanilang celebrity premiere ng pelikulang Monster na dinagsa ng supporters at malalapit na kaibigan.
Nabili nina Sylvia at Lorna kasama ang isa pa nilang partner ang Japanese film na ito na isa sa pinilahan sa nakaraang Cannes International Film Festival.
Kilala sa buong mundo ang director nitong Monster na si Koreeda Hirokazu, at nanalong best screenplay ito sa Cannes.
Na-curious ang magkaibigang Lorna at Sylvia bakit pinilahan itong Monster, kaya inalam nila at nagawa nilang bilhin ito kasama ang iba pang magagandang international films.
Ang pagbili ng mga sikat at de kalidad na international films ang isa sa natutunan ni Sylvia nang magsimula siyang mag-ikot sa mga international film festivals. “Masaya, kasi nagbebenta ako ng pelikula namin, tas bumibili din ako. Masaya kasi nakaka-experience ng iba’t-ibang...I mean, same lang sa showbiz pero as a producer naman. Alam mo mas nagising ‘yung...hindi ko alam na puwede pala ako maging producer, mag-produce. Ha? sabi ko nandito na rin lang, sige go!” masayang pahayag ni Sylvia nang nakatsikahan namin sa celebrity premiere ng Monster na ginanap sa SM Megamall Cinema 2.
“Binuo ko lang ‘tong Nathan para sa mga anak ko. Pero ngayon sabi nila, ‘Mommy, nandiyan ka naman, ikaw na muna. Pero sabi ko sa kanila, ‘pag-aralan n’yo na kasi sa inyo ito. Kaya ko ito ginawa.
“Pero sila ‘yung nagsasabi sa akin, mom maganda ‘yan, eto medyo hindi. Silang magkakapatid. Marami na kaming nabiling pelikulang abroad na de kalidad talaga,” dagdag niyang pahayag.
Tinuruan na rin ni Sylvia si Lorna na pasukin ang film production, pero gusto raw niyang pag-aralan muna ito bago siya sumali sa Nathan Studios.
“Kasi gusto ko mag-partner ka sa akin, mag-produce ka, maintindihan mo abroad kung ano ang patakaran ngayon. Kung ano ‘yung genre ngayon. Gusto ko matuto ka. Kasi ‘yun ang ginawa ko.
“Pumunta ako abroad, talagang nag-iikot ako para mag-obserba ako, kung ano ‘yung genre ngayon, kung ano ‘yung tanggap ngayon dun.
“So, ‘yung experience ko, ‘yung naobserba ko, na-apply ko rito. Kaya ako ganito ngayon. Kaya sabi ko gusto ko mag-aral ka matuto ka as producer. Hindi ‘yung basta-basta ka lang maging producer.
‘“Yung gusto mo lang na wala kang alam,” sabi pa ni Sylvia.
Ang masaya lang daw ngayon ay nadagdag pa sa kanilang pamilya si Maine Mendoza na natutuwa raw siya kung paano niya alagaan si Cong. Arjo Atayde.
“Si Maine, asawa na niya, natutuwa na ako. Less na ako sama-sama sa kanya. Nakakatuwa kasi talagang si Maine, misis na misis kay Arjo,” bulalas ni Sylvia.
“Talagang sobra niyang suportahan si Arjo. Nandun siya talaga. Talagang nakikita kong mabait siyang asawa. Hindi nagkamali ang anak ko sa pagpili kay Maine. Nakampante siya, nakampante ako na merong Maine Mendoza na nag-aalaga at nagmamahal sa anak ko ngayon,” masayang pahayag ni Sylvia.
Sa Oct. 11 na magsu-showing sa mga sinehan ang Monster, at kakaibang pelikula ito na tiyak na ikakagulat ng mga manonood bago matapos ang ending.
Ang ganda nang pagkalatag ng kuwento at magaling ang mga artistang involved, lalo na ang dalawang batang bida. Akala mo horror movie, pero family drama na kakaiba ang twist ng kuwento.