MANILA, Philippines — Ipinagkait ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang hiling na motion for consideration na inihain ng "It's Showtime" — dahilan para matuloy ang suspensyon ng programa.
Setyembre lang nang mag-isyu ng 12-araw na suspensyon ang MTRCB laban sa Kapamilya noontime show kaugnay ng pagkain ng icing ng cake ng real-life LGBT couple at TV hosts na sina Vice Ganda at Ion Perez sa harap ng mga bata, bagay na inakala ng ilan bilang "mahalay."
Naantala nang ilang linggo ang pagpapatupad ng suspensyon matapos maghain ng "motion for reconsideration" ang palatuntunan.
"The [MTRCB] released a resolution dated 28 September 2023, denying the Motions for Reconsideration (MR) filed by GMA Network, Inc. and ABS-CBN Corporaion," ayon sa pahayag ng MTRCB ngayong Huwebes.
"Said MRs sought relief from the Board's ruling dated August 17, 2023, regarding the July 25, 2023 episode of the live noontime television program 'It's Showtime!'"
"Specifically, during the show's 'Isip Bata' segment, in which hosts Ryan Bang, Vice Ganda and Ion Perez allegedly acted indecently or inappropriately in the presence of children, which is alleged to have violated Section 3 (c) of Presidential Decree No. 1986 and its Implementing Rules and Regulations."
Matatandaang ginawa ng MTRCB ang desisyon matapos aniya makatanggap ng mga reklamo kasunod ng eksena. Gayunpaman, kwinekwestyon naman ng ilan kung bakit ito "bastos" lalo na't dinilaan lang ng mga host ang daliring nalagyan ng pagkain.
Isyu ng bias? Homophobia?
Pinuna din ng ilang netizens kung bakit naging "malaswa" ang eksena nina Vice at Ion gayong walang suspensyon ang "E.A.T" dahil sa matindihang halikan ng host na si dating Sen. Tito Sotto ang kanyang asawang si Helen Gamboa on-air. Hindi tuloy maiwasan ng ilang isiping ginigipit ang "It's Showtime" hosts dahil sa kanilang kasarian.
Sina Tito Sotto at Helen Gamboa ay mga magulang ni Lala Sotto, na siyang tumatayong MTRCB chair.
Una nang sinabi ni Lala Sotto na hindi niya pakikialamanan ang anumang adjudicative processes pagdating sa mga nabanggit na magkaribal na noontime shows.
"In view of which, the Board's Decision dated 17 August 2023 is affirmed," dagdag pa ng MTRCB.
Meron namang 15 araw ang "It's Showtime!" sa ngayon upang maghain ng motion for reconsideration sa Office of the President, ayon sa ulat ng state-owned PTV4.
Kamakailan lang nang mangako ng review ang MTRCB matapos pagtwanan ni "E.A.T." host Joey de Leon ang pagpapakamatay gamit ang joke sa lubid. Humingi na ng tawad ang palabas tungkol dito.