Mahigit isang taong gulang na ang anak nina Angeline Quinto at Nonrev Daquina na si Sylvio. Hanggang ngayon ay halos hindi pa rin daw makapaniwala ang singer na isa na siyang ganap na ina. “Para akong nananaginip. Lahat nang nangyayari sa buhay ko ngayon halos araw-araw, kapag pinagmamasdan ko ‘yung anak ko, ang nasa isip ko, ‘Anak ko ba ‘to?’” nakangiting pahayag ni Angeline.
Mula nang magkaroon ng supling ay malaki na ang nagbago sa pananaw sa buhay ng singer. Mas inaalagaan na raw ni Angeline ang kanyang sarili ngayon para sa anak. “Ang nagbago talaga ‘yung pananaw ko sa buhay eh. Kumbaga before, hindi ko masyadong iniingatan ‘yung sarili ko. Kapag pala merong anak, importante na unahin ko muna ‘yung sarili ko kasi para mas maaalagaan ko siya,” paliwanag niya.
Kapag nasa bahay ay palagi ring nagpapatugtog ng iba’t iba niyang awitin si Angeline upang marinig ni Sylvio. “Para aware siya na singer ‘yung nanay niya,” natatawang pagtatapos ng singer.
Marian, pinipilit si Dingdong na mag-tiktok
Magsisimula na ngayong linggo ang shooting para sa pelikulang Rewind na pagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong nalalapit na Kapaskuhan. “Excited kami na nakapasok ang Rewind sa film festival. Sana ibalik natin ang pagtangkilik sa pelikulang Pilipino. Nakakatuwa dahil alam kong bumabalik na ang pelikulang Pilipino. Ito na tayo ulit. Sana ang MMFF ngayon tangkilikin na talaga ng publiko,” bungad ni Marian.
Nagkaroon ng kolaborasyon ang Star Cinema, APT Entertainment at Agosto Dos para sa bagong pelikula nina Marian at Dingdong.
Ngayon ay marami ang nagtatanong sa mag-asawa kung posible bang dumalo sa nalalapit na ABS-CBN Ball na gaganapin sa September 30. “Alam ko may shooting kami on that day. Star Cinema gave us a schedule,” pahayag ng aktres.
Samantala, nag-trending ang dance videos ni Marian sa Tiktok. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto raw makasama ni Marian si Dingdong sa kanyang mga ginagawang dance video lalo pa’t kilala ring magaling na mananayaw ang actor. — Reports from JCC