MANILA, Philippines — Hanggang maaari ay sinisikap ni JC de Vera na hindi ibahagi sa publiko ang tungkol sa kanyang personal na buhay. Nasanay na umano ang aktor dahil talagang kaunti lamang sila sa pamilya at ilan din lamang ang mga tunay niyang kaibigan. “I have a small circle lang din kasi, like ‘yung pamilya talaga namin is small. We have friends, small circle of friends. Hindi kami palalabas na mga tao. So naki-keep talaga namin ‘yung privacy namin. Then we are happy with that na kami-kami lang,” bungad ni JC.
Kahit aktibo ang aktor sa Instagram ay pinipili lamang ang lahat ng mga ipino-post dito. Nililimitahan daw ni JC ang pagpo-post upang maprotektahan ang kanyang sariling pamilya. “Ang main thing doon ay ‘yung social media. Hindi namin talaga ipinapakita lahat sa social media. Kasi I fully understand na ako lang ‘yung nasa show business at ayaw kong ma-involve ang pamilya ko doon sa industriyang pinasukan ko. Lalo na ang kids ko mag-aaral sila. Marami ang magtatanong sa kanila kung tatay ba nila ako or how does it feel ba na ang tatay mo ay nakikita sa TV. So, stuff like that parang ayaw kong ma-put ang family ko into that situation. Gusto ko kapag natanong sila ng time na ‘yon, they know how to answer privately pa rin. ‘Yung parang hindi pa rin nila ikukuwento kung ano ‘yung buhay talaga namin,” makahulugang paliwanag ng aktor.
Matatandaang nagpakasal sina JC at Rikkah Cruz noong 2021. Limang taong gulang na ang panganay nilang anak na si Lana habang tatlong buwang gulang pa lamang ng bunsong si Laura. Excited na raw si JC na makapag-bonding silang buong pamilya sa mga susunod na taon. “Ang ganda sa pakiramdam ‘yung magba-bonding kayo, apat na kami. Hindi pa kami nakakapag-adust. So hopefully within a few years siguro makapag-decide kami,” pagtatapos ni JC.
Klarisse, takot maiwang mag-isa
Naging emosyonal si Klarisse de Guzman nang mag-guest ang singer sa Magandang Buhay kamakailan. Ayon sa dalaga ay nasa ibang bansa siya nang mabalitaan ang tungkol sa kondisyon ng amang nasa ospital. “As in ni-revive si Papa. Hindi ko alam ang gagawin ko sa ibang bansa. Ang ginawa ko pumunta ako sa CR, doon ako umiyak mag-isa. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ang mama ko hindi rin naman okay. So ang hirap. Ang hirap nang pagsubok na ‘yon. Actually, until now hindi pa rin okay. Nakalabas na ang papa ko after two months but still ang dami pang kailangang gawin at nagda-dialysis siya three times a week ngayon. So sobrang hirap, same din sa mama ko. Pareho sila ng sakit, so sobrang hirap. Complication ng diabetes, kidney ang tinamaan. Natatakot ako maiwan mag-isa,” lumuluhang pahayag ni Klarisse.
Aminado ang singer na mayroong mga pagkakataon na nakwestiyon na niya ang Poong Maykapal dahil sa mga pangyayari sa kanilang pamilya. “Tinatanong ko si Lord. Sabi ko, ‘Lord, isa-isa lang.’ Hiniling ko rin kay Lord na maraming-maraming time pa makasama ko ang mga parents ko. More, more birthdays na kasama ko sila. Lord, please heal them para na rin po sa akin,” pagbabahagi ng singer. (Reports from JCC)