Hindi na raw magpapakita ng puwet si Marco Gumabao sa kanyang mga gagawing proyekto.
Matatandaang nagawa na ito ng hunk actor sa ilang pelikula noon. “Actually, no’ng first time na nagpakita ako doon sa Just A Stranger, wala talaga siya sa script. Parang napag-usapan lang, parang joke lang na, ‘Oh, magpakita ka na, Marco.’ ‘Oh, sige.’ So nagulat si direk Jason Paul (Laxamana) na game ako. Kasi wala naman talaga siya sa usapan. Hindi naman talaga siya planado. Ako kasi, kapag na-feel ko na parang pwede siya for this project or pwede siya for the scene, okay lang. Kapag pilit o alam mo kapag hindi naman siya kailangan tapos gusto lang ng direktor na ipasok.
“For me I knew that was my launching movie, especially with Anne Curtis pa. Mas makakaganda siya sa eksena, parang on the spot sinabi namin ni direk. Nasa Portugal pa kami no’n, so sabi ko, parang okay magpakita rito sa Portugal. Wala ka sa Pilipinas, parang lahat sumakto,” pagdedetalye ni Marco.
Masaya ang aktor sa relasyon nila ni Cristine Reyes bilang magkasintahan.
Nilinaw ni Marco na walang kinalaman ang aktres sa kanyang naging desisyon na tigilan na ang pagpapaseksi sa mga pelikula. “Sarili ko, hindi naman pwede sa lahat ng mga project mo magpapakita ka. Kumbaga ano ang ilu-look forward ng fans mo? Ang pelikula naman never mawawala. Hangga’t nandiyan ang isang pelikula kahit years, hindi na siya mawawala. So kota na siguro ako para doon,” giit ng binata.
John, halos maubusan ng boses sa pagho-host ng game show
Napapanood na ngayon sa TV5 ang Spin Go na pinakabagong programa ni John Arcilla. Ito ang kauna-unahang pagkakataong naranasan ng aktor na maging isang game show host.
Para kay John ay mas malapit sa tunay niyang personalidad ang kanyang ginagawa ngayon. “Kailangan kong magpakatotoo, ganito ako. Ito ang totoong buhay ko eh. Uma-acting ako as kontrabida, as bida, umiiyak ako. Lahat tayo sa totoong buhay umiiyak at lahat tayo sa totoong buhay may fun side. So naging totoo lang ako. Ang sarap magpasaya, ang sarap nang masaya, ang sarap nang tumutulong,” makahulugang pahayag ni John.
Aminado ang magaling na aktor na naging inspirasyon niya bilang mga nakilala ring game show hosts sina Vic Sotto, Christopher de Leon, at Edu Manzano. “Si Vic Sotto nagkaroon ng game show sa TV5, Who Wants To Be A Millionaire. Then si Christopher de Leon, isa sa may pinakamataas na viewership sa TV5 ‘yung game show niya. Si Doods nagkaroon din ng game show. Kaya sabi ko, kung naging welcome sa audience ang isang aktor para mag-host. Well, hindi naman siguro masama na i-try ko nga rin. And I wish, na maging gano’n din ka-positive ‘yung mangyayari. So lahat ‘yon sila, nagkaroon din ako ng inspirasyon sa kanila,” pagtatapat niya.
Ayon kay John ay talagang nakapapagod din sa taping ang ganitong uri ng programa.
Halos maubusan na umano ng boses ang aktor kapag patapos na ang araw ng trabaho. “No’ng una talagang nag-resist ako. Sabi ko, pwede bang hindi na natin ituloy. ‘Sige na, huwag na ‘yung pangatlo (episode taping). Parang awa n’yo na, but sinasabi nila sa akin, ‘John sa umpisa lang ‘yan.’ True enough, nakaya ko naman. Kasi ang worry ko lang talaga is after ng tatlong episodes sa isang araw, ‘pag nag-taping ako kinabukasan, ang feeling ko, wala akong boses. Pero ngayon kasi natitimpla ko na siya. Totoong nakakapagod pero ‘pag nasa system mo na, masasanay ka na talaga, magiging okay ka na,” pagtatapos ng premyadong aktor. — Reports from JCC