Pormal nang inihayag ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang magaganap na 6th Entertainment Editors’ Choice o mas kilala bilang The EDDYS ngayong taon.
Ang awards night ay isasagawa sa darating na Oktubre, 22, 2023 sa EVM Convention Center, 37 Central Avenue, Quezon City, mula sa direksyon ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.
Ngayong taon, ihahatid ng Airtime Marketing Philippines na pag-aari ng event producer na si Tess Celestino-Howard ang ikaanim na edisyon ng The EDDYS na magkakaroon din ng delayed telecast sa NET 25.
Ang annual event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.
Mamimigay ng 14 acting at technical awards ang SPEEd para sa 6th The EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2022.
Tulad sa mga nakaraang gabi ng parangal, magsisilbing highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry.
Sila ang mga artista, direktor at iba pang personalidad na hindi matatawaran ang kontribusyon at pagmamahal sa industriya ng pelikulang Pilipino sa loob ng mahabang panahon.
Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi sa ikaanim na edisyon ng The EDDYS ay ang Isah V. Red Award (ang mga walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), Joe Quirino Award at Manny Pichel Award (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).
Pararangalan din sa awards night ang Producer of the Year at Rising Producer of the Year.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng People’s Journal.