Jessica Soho kinalkal ang problema sa Human Trafficking
Ihahatid ng GMA Public Affairs ang isang docu special ukol sa isa sa mga pinakalaganap na krimen sa mundo sa Secret Slaves: A Jessica Soho Special Report on Human Trafficking, bukas, Linggo.
Tampok sa Secret Slaves ang isang malalimang imbestigasyon at pagtalakay tungkol sa bilyong dolyar na industriya ng human trafficking na bumibiktima sa marami nating kababayan. Makakasama ni Jessica sa dokumentaryong ito sina senior news correspondents Emil Sumangil at John Consulta.
Sa ilang bahagi ng Southeast Asia, ilang international syndicate na nagpapatakbo ng cryptocurrency scams ang nagre-recruit ng mga Pilipino bilang customer support representatives. Pero paglapag sa bansang Myanmar, puwersahan silang ginagawang scammers na nanghihikayat sa mga kliyente na mag-invest sa cryptocurrency. Oras na tumanggi o hindi nila maabot ang quota, may katapat itong parusa.
Siniyasat ni Jessica ang bagong anyong ito ng human trafficking at nakaharap niya mismo ang ilang nahulog sa patibong na ito.
Binisita naman ni Emil ang isang scam hub kung saan foreign nationals ang pinilit na mang-scam. Lumipad naman si John patungong Thailand at Myanmar para alamin ang ilegal na kalakarang ito na nakapambiktima na ng daan-daang Pilipino.
Sa isang lugar sa Metro Manila, isang ina ang naging biktima noon ng tinatawag na cybersex trafficking. Pero ang masaklap, maging ang kanyang limang taong gulang na anak, ipinasok niya umano sa ilegal na kalakaran. Kasabwat din daw ng ina ang isang sexual trafficker na siyang diumano’y mastermind ng cybersex activity sa lugar.
Nakipag-ugnayan ang Secret Slaves sa National Bureau of Investigation, Inter-Agency Council Against Trafficking, at sa non-government organization na Destiny Rescue International para sa pagsagip sa mga menor de edad na biktima at paghuli sa isa sa mga Most Wanted sexual trafficker sa bansa.
Sa mga nakalipas na taon, isang tagong kalakaran ang patuloy na nabubuhay: ang bentahan ng kidney. Natuklasan nila na ang bentahan, online na rin. Ang presyuhan, umaabot ng P300,000 – P500,000. Pero ang mas nakababahala, ang ilang biktima ng illegal organ trade, tinatakot at pinagbabantaan ang buhay kapalit ng kanilang mga bato.
- Latest