MANILA, Philippines — Nagsama-samang muli ang cast ng sikat na ‘90s sitcom na Home Along Da Riles para ipagdiwang ang pagbubukas ng Philippine Film Industry Month noong Setyembre 1 na may libreng screening ng restored at remastered na 1993 movie adaptation nito.
Present sa premiere ang mga anak ni Dolphy (Kevin Cosme) na sina Claudine Barretto (Bing), Vandolph Quizon (Baldo), Boy 2 Quizon (Estong), Smokey Manaloto (Bill), at Gio Alvarez (Bob), kasama pa sina Maybelyn dela Cruz (Maybe Madamba), Dang Cruz (Yaya Roxanne), at Nova Villa (Aling Ason).
Binigyang-diin ni Nova Villa ang mahalagang papel at epekto ng komedya sa kulutrang Pinoy. Sabi niya, “Ngayon ay ating sariwain ang 13 years na pinasaya tayo ng Cosme family. Sariwang-sariwa pa rin po ang Home Along da Riles sa mga kwentuhan sa bahay, ayan po ang nagagawa ng comedy, kultura ng Pinoy yan, nakakatulong po ang comedy sa atin, napapagaan natin ang mabigat na problema at mga hinaing sa buhay.”
Sa temang “Tuloy pa rin ang Tawanan,” ang month-long showcase ng FDCP ay isang pagbibigay-pugay sa mga komedyanteng Pilipino na naghubog at nagpaunlad sa ating kultura sa sine at telebisyon katulad nina Dolphy, TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon), Eugene Domingo, Michael V, Vice Ganda, at marami pang iba.
Maaring sulitin ang libreng tawanan ngayong buwan at panoorin ang iba pang ABS-CBN restored comedy classics na ipapalabas sa Rizal Open Air Auditorium at lahat ng Cinematheques. Kasama sa lineup ang D’Lucky Ones (Sept. 6), Mr. Suave Hoy! Hoy! Hoy! Hoy! Hoy! Hoy! (Sept. 7), Isprikitik Walastik Kung Pumitik (Sept .7), Here Comes the Bride (Sept. 5 and Sept. 13), Ang Tanging Ina (Sept 5. and Sept. 26), and Daddy O, Baby O! (Sept. 28).