MANILA, Philippines — Itinanggi ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Diorella “Lala” Sotto-Antonio na hindi naging patas ang ahensya sa pagpataw nito ng suspensyon sa "It’s Showtime."
Idiniin ni Lala, na anak ni “E.A.T.” host at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na hindi pa naman pinal ang suspensyon dahil binigyan pa ang "It’s Showtime!" ng 15 araw na maghain ng kanilang motion for reconsideration.
Related Stories
“With others, pwede naman talagang na-suspend na kanina pa lang but no, again, in the spirit of fairness we are giving them the chance kaya hindi sila suspended today,” ani Lala kahapon, Martes, sa panayam ng GMA News sa “24 Oras.”
Naging usap-usapan na maaaring pinag-iinitan lamang ni Lala ang “It’s Showtime!” dahil sa ama niya ang isa sa mga host ng rival show nito na “E.A.T.” ngunit itinanggi niya ito.
“Siguro natural lang naman sa mga supporters ang maging gano’n ang pakiramdam kasi siguro naririnig nila na parating nare-report,” dagdag pa ni Lala.
“But, hindi po kasalanan ng MTRCB ang violations na ginagawa nila.”
Inilabas nitong September 4 ang desisyon ng MTRCB na suspindihin sa pag-ere ang "It’s Showtime!" sa loob ng 12 araw dahil sa mga natanggap nitong reklamo sa July 25 episode ng programa kung saan nakita ang kontrobersyal na pagkain nina Vice Ganda at Ion Perez ng cake sa harap ng mga bata na pinaratangang “malaswa.”
Sa kabila ng 12-day suspension, patuloy parin ang “It’s Showtime!” sa pag-ere nito matapos maghain ng motion to reconsider sa MTRCB nitong September 5. — intern Matthew Gabriel