Trending kahapon ang hashtag na #TayoAngShowtime pati sina Vice Ganda at Kim Chiu.
Baka nga mataas pa ang rating nito dahil sa pinag-uusapan ang suspension na ipinataw ng MTRCB sa It’s Showtime.
Kaagad na pinuntirya ng matinding bashing ang chairperson ng naturang ahensya na si Lala Sotto-Antonio.
Nabahiran pa ng malisya dahil sa anak siya ng dating Sen. Tito Sotto na nasa E.A.T.
Kaya kung anu-anong panlalait ang inabot ni Chair Lala mula sa supporters ng It’s Showtime.
Kahapon ay nag-post si Vice Ganda sa kanyang X o dating Twitter account. “In the middle of every difficulty lies opportunity.”
Pagdating ng It’s Showtime, si Jireh Lim ang kumanta sa opening number at pagkatapos nito ay lumabas si Vhong Navarro.
Binasa niya ang statement ng ABS-CBN Entertainment kaugnay sa desisyon ng MTRCB sa naturang noontime show.
Aniya, “At habang nakabinbin ang Motion for Reconsideration, ang desisyon ng suspension ng programa ay hindi pa pinal at epektibo.
“Kaya sa ngayon ay patuloy n’yo pong mapapanood ang It’s Showtime.
“Patuloy rin kaming makikipag-ugnayan sa MTRCB para makapagpatuloy ang It’s Showtime sa paghahatid ng libangan at saya sa minamahal naming Madlang People.”
Tinawag si Vice Ganda na naka-all pink na obvious na binati pa ni Vhong na akala raw niya ay mag-all black siya.
Sabi niya, “Ganyan talaga, ‘pag marami kang blessings, para kang namumukadkad na isang rosas…”
Ang dating sa amin, pinanindigan pa rin niya ang pagiging pinklawan sa kabila ng pinagdaanan ng kanilang programa.
Iaapela pa naman nila ang desisyong ito ng MTRCB kaya tuloy pa rin ang pag-ere ng It’s Showtime.
Isa kami sa nananalangin na sana mapagbigyan ang kanilang apela at hindi ito matuluyan ang suspension.
Marissa Sanchez, may death slam book
Isa sa nagawa ng singer/comedienne na si Marissa Sanchez nitong pagdaan ng pandemic ay ang nabuo niyang libro.
Nagkaroon siya ng book launch nung nakaraang Biyernes na sinuportahan ng mga malalapit na kaibigan.
Ang daming na-curious at nagkainteres sa ginawa niyang librong My Farewell Slam Book.
Ang gandang pakinggan ng title ng libro, pero parang death journal mo pala ito. Sa librong ito ay nakapaloob kung ano ang gusto mong mangyari ‘pag ikaw ay pumanaw na.
Nakatsikahan namin si Marissa sa DZRH nung Lunes at ipinaliwanag niya kung bakit niya naisipang gumawa ng ganitong libro.
Ang dami raw niyang realizations sa mga naranasan niya nung pandemic, at minsan daw ay may nakasabay raw siya sa National Bookstore na isang babaeng obvious na isang cancer patient.
Narinig daw niyang tinanong ang saleslady kung meron ba silang death notebook. Parang pataray pa raw ang sagot ng saleslady na hindi sila nagtitinda ng ganun. Pero kung iisipin, mas praktikal daw na magkaroon ka ng sarili mong death journal para alam ng mga maiiwan mo kung ano ang gusto mo pagdating ng araw ng iyong pagpanaw. “Iniisip ko, we don’t tackle about death, hindi natin napapag-usapan ‘yan. Pero lahat tayo darating diyan e. So, dapat napapag-usapan. Naisip ko, kailangan ko maging matapang na gawin ‘to e,” saad ni Marissa.
Isa raw sa nag-push talaga sa kanya na ituloy na ‘yung librong ito ay ang kaibigan din niyang si Tita Aster Amoyo.
Pero naisip nga raw niyang gawing My Farewell Slam Book para hindi morbid ang dating. Ang dami nga raw nagkainteres ng libro niya.
Nagpa-print daw siya ng 500 copies muna at paubos na ito.
Nasa Shopee at Lazada na raw ngayon ang libro niya sa halagang P960 lamang.